German vlogger na ‘persona non grata’ ng Muntinlupa LGU, kulong sa rape

German vlogger na ‘persona non grata’ ng Muntinlupa LGU, kulong sa rape

January 11, 2023 @ 1:26 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado dahil sa kasong rape ang isang German vlogger na nauna nang idineklara ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa na ‘persona non grata’ dahil sa pagpost nitong video sa Facebook at Youtube ng kanyang pagpick-up sa isang batang babae sa Alabang na di-umano’y binigyan pa niya ng halagang P1,000 bilang tulong sa bata.

Base sa report ni Muntinlupa police chief P/Col. Angel Garcillano, inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Muntinlupa police Alabang Substation at Station Intelligence Section (SIS) ang suspect na kinilalang si Marcel Messall o mas kilala bilang “Mr. Pogi German” sa kanyang social media accounts, 29, residente ng Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Ang pagkakaaresto ng mga awtoridad kay Mesall ay naganap nitong Enero 10 (Martes) dahil ang biktimang kanyang pinick-up ay isang menor de edad na 17-taon gulang pa lamang at hindi 18-anyos na kanyang sinasabi sa kanyang inilabas na video.

Sa imbestigasyon ay napag-alaman sa biktima na nakipag-chat ito kay Massell sa Messenger app. at nagkasundo na magkita sa harap ng isang mall sa Alabang kung saan di-umano ay niyaya ng suspect ang biktima na sumama sa motel.

Napilit ni Messall na sumama sa kanya sa motel ang biktima at pagdating sa loob ng kuwarto ay pinipilit naman ito na makipagtalik sa kanya na tinanggihan ng biktima ngunit wala siyang lakas na labanan ito kung kaya’t nahubaran ang menor de edad at nagkaroon sila ng pagtatalik.

Nang makauwi ng bahay ang biktima ay inilahad nito sa kanyang ina ang kanyang masaklap na karanasan kay Massell at hindi na nagdalawang isip pa ang magulang ng bat ana magtungo sa Women and Children’s Protection Unity (WCPU) ng Muntinlupa police para magsampa ng reklamo laban sa suspect.

Nahaharap si Messall ng paglabag sa Republic Act 8353 (The Anti-Rape Law of 1997) na may kaugnayan sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).

Matatandaan na kinondena ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang paglalabas ng video ni Massell sa kanyang pagpick-up sa babae nitong nakaraang Enero 7 sa Alabang na kanyang ini-upload pa sa Facebook at YouTube ang kanyang pagdala nito sa isang motel sa lungsod. James I. Catapusan