Germany, nangangailangan ng mga nurse

Germany, nangangailangan ng mga nurse

July 19, 2018 @ 3:34 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Magandang balita para sa mga nurse na nais magtrabaho sa ibang bansa dahil kasalukuyan nang tumatanggap ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng aplikasyon para sa mga nurse na nais na magtrabaho sa bansang Germany sa ilalim ng kanilang Triple Win Project.

Ang Triple Win Project, ay isang government-to-government project ng German Federal Republic na pinamamahalaan ng POEA.

Ayon sa POEA, ang mga nais na mag-aplay sa naturang trabaho ay dapat na isang Pinoy citizen, at permanent resident ng Pilipinas, na may Bachelor of Science in Nursing, may active Philippine Nursing License, at mayroong professional experience (bedside) sa mga pagamutan, rehabilitation centers, o di kaya ay mga care institutions.

Dapat rin umanong may German language proficiency ang mga ito, o handang sumailalim sa German language training sa Pilipinas, o di kaya ay may Bl o B2 Language Proficiency Level, alinsunod sa Common European Framework of Reference for Languages.

Ang mga mapipiling aplikante ay makakatanggap ng starting monthly gross salary na €1,900, na maaaring tumaas ng hanggang € 2,300 matapos na mabigyan ng recognition bilang isang qualified nurse.

Ang employer mismo ang magbabayad ng visa at airfare ng aplikante mula sa Pilipinas patungong Germany at siyang tutulong sa empleyado upang makahanap ng maayos na akomodasyon. Gayunman, ang mapipiling nurse ang siyang magbabayad ng kanyang board and lodging.

Ang mga interesadong aplikante ay maaaring magparehistro online sa www.ereqister. poea.gov. ph at personal na isumite ang kanilang mga kakailanganing dokumento na may heading na “German Federal Employment Agency RSF No. 180018” sa Manpower Registry Division,  Ground Floor, Blas F. Ople Bldg. (dating POEA Bldg.), sa Ortigas Avenue kanto ng EDSA, sa Mandaluyong City.

Kabilang sa mga dokumento na kakailanganing isumite ng mga aplikante ay cover letter at curriculum vitae na may colored passport size picture; notarized copies ng high school at Nursing diplomas; board certificate at kopya ng lisensiya mula sa Professional Regulation Commission (PRC); certificates of employment sa related field (previous and current, notarized copies); attendance at level certificate para sa German language, kung mayroon, at kopya ng isang balidong pasaporte.

“Applicants are required to present their original documents for authentication of written information before forwarding the resume to the employer,” ayon sa POEA.

Ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon sa POEA Central Office at Cebu ay sa Agosto 17, 2018.

Maaari rin namang magsumite ang aplikante ng kinakailangang dokumento sa iba pang POEA Regional Offices hanggang sa Agosto 14, 2018. (Macs Borja)