Ghost companies kinasuhan ng tax evasion sa DOJ

Ghost companies kinasuhan ng tax evasion sa DOJ

March 16, 2023 @ 3:23 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Kinasuhan ng Bureau of Internal Revenue ang apat na “ghost corporations” na may tax liability o pagkalugi sa gobyerno na aabot sa P25.5 bilyon.

Personal na isinampa ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa Department of Justice ang reklamong “tax evasion” laban sa apat na “ghost corporations”.

Aniya, ang apat na ghost corporations na ito ay nag-iisyu ng mga pekeng resibo upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis.

Dagdag pa ni Lumagui, inatasan na niya ang BIR Legal Group na sampahan ng criminal charges ang iba pang mga indibidwal na nasa likod ng ilegal na gawain.

Ito’y sa ilalim ng Sections 254, 255, at 267 ng National Internal Revenue Code of 1997.

Nabatid na nag-ugat ang mga reklamo sa ginawang raid noong Disyembre 2022 sa isang condominium unit sa Quezon City kung saan nakumpiska ang libo-libong mga resibo.

Matapos ang raid, dito na nadiskubre ng BIR na walang lehitimong negosyo ang apat na ghost corporations at dahil dito, nalulugi ang gobyerno ng P17.63 bilyon na income tax at P7.91 bilyon na value added tax mula 2019-2021 kabilang na ang surcharges at interests.

Ang mga bumibili ng mga resibo naman ay mga negosyante na ginagamit ang naturang resibo bilang “corresponding deductions” sa expenses at sa Value Added Tax o VAT.

Babala naman ni Lumagui, seryoso ang BIR sa kanilang kampanya, hahabulin at pananagutin nila ang taxpayers at mga negosyo na gumagamit at bumibili ng gawa-gawa o pekeng resibo. Teresa Tavares