GIGIL NG PUBLIKO SA MGA KASO NINA DACERA, NUEZCA

GIGIL NG PUBLIKO SA MGA KASO NINA DACERA, NUEZCA

January 14, 2021 @ 12:14 AM 2 days ago

  •  
  •  
  •  

ISANG matinding pwersa ang galit ng publiko.

Kadalasang hindi tantiyado ang kahihinatnan nito.

Nakatatakot para sa isang indibidwal ang mapagbuntunan nito, pero maaari rin naman itong magdulot ng paborableng resulta kung itutuon sa mga tanggapan ng gobyerno na kilala sa katamaran.

Ihalimbawa natin ang nangyari sa pulis na si Jonel Nuezca, na sinibak mula sa PNP 22 araw makaraang kumalat sa social media ang video ng pamamaril niya nang malapitan at pagpatay sa dalawang walang kalaban-laban niyang kapitbahay.

Nais marahil tayong kumbinsihin ng Internal Affairs Service (IAS) na walang kinalaman ang galit ng publiko sa mabilisang paglalapat nito ng hustisya sa pasaway nilang tauhan.

Pero ‘di ba nitong nakaraang linggo lang din nagreklamo si PNP Chief Debold Sinas na nasa payroll pa rin nila ang isang pulis na inirekomenda niyang sibakin dahil sa paggamit ng iligal na droga noong Marso ng nakalipas na taon?

Nasa ilalim din ng NCRPO at ng IAS ang pulis na iyon, hindi ba?

Sa palagay ko, kailangang dagdagan pa ng galit ng publiko ang kanilang pangungumbinsi, para na rin sa korte kung saan nag-plea ng “not guilty” si Nuezca.

Para naman sa bagong hepe ng Napolcom na si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, umaasa akong hindi siya kabilang sa mga natututo ng “dirty tricks” sa komisyon na maaaring maging dahilan para maibalik ang mga benepisyo ni Nuezca sa pamamagitan ng mga galawang para sa reinstatement.

Heads up, chief!

* * *

Minsan, aaminin kong dahil na rin sa maimpluwensyang galit ng publiko, napupunta sa automatic fire mode ang Firing Line, tulad na lang sa kaso ni Dacera.

Noong nakaraang linggo, gigil marahil akong kondenahin ang mga taong iniuugnay sa pagkamatay ni Christine dahil sa kanyang sinapit, batay sa “rape-slay” na idineklara ng pulisya ng Makati City.

Ngayon, wala pa ring linaw at napakarami pa ring haka-haka sa kung ano ang nangyari para pumanaw siya sa aneurysm, bagama’t unti-unting lumilinaw na parang nanatili ang pagmamahal kay Christine ng kanyang mga kaibigan hanggang sa huli.

Gayunman, napakarami pa ring katanungan ang hindi pa rin mabigyan ng sagot at napakaraming tao ang hindi pa naiimbestigahan para lumabas na ang katotohanan.

Habang isinusulat ang kolum na ito, pinakamalaki ang pag-asang hatid ng ikalawang awtopsyang ginawa ng NBI, na nagbunyag sa dalawang mahahalaga pero hindi pa rin malinaw na punto sa ngayon — una, na may nangyaring krimen at ikalawa, na mayroong 100 ml ng bodily fluid ang nakuha mula sa labi ni Christine.

Ang NBI rin ang nakatukoy sa pagkakakilanlan ng mga misteryosong tao sa “kabilang kwarto” (Room 2207) sa City Garden Grand Hotel Makati at naglabas na rin ng mga subpoena para sila ay maimbestigahan.

Naku, kung nagkataong basketball game ito… “tambak na ang PNP sa NBI, first quarter pa lang!” ang sabi ng aking kapitbahay.

Dahil na rin ito sa kagustuhan ng pulisya na makabawi ng kanilang imahe kasunod ng mga paunang “kapalpakan” sa kasong ito, tulad ng kontrobersyal na embalsamo-muna-bago-awtopsya.

Nagkataon namang nakakuha ako ng isang makatotohanang paliwanag mula sa isang insider tungkol sa “pumalpak” na pagsusuri ng medico-legal officer ng PNP.

Sa kasagsagan ng lockdown dahil sa pandemya, pinagkukuha raw ni noon ay PNP Chief Archie Gamboa ang mga medico-legal officer mula sa kani-kanilang pwesto at ginamit para mapunan ang kakulangan sa tauhan ng mga COVID-19 testing laboratories.

Dahil dito, ang mga kaso ng misteryosong pagkamatay na nireresolba ng PNP ay agaran daw na tinatapos alang-alang sa kalusugan ng publiko at kaligtasan ng mga frontliner.

Kaya naman ang mga taong namamatay sa natural na paraan ay “itinuturing” na lahat bilang kaso ng COVID-19 at ineembalsamo muna bago isalang sa mabilisang awtopsya, ‘tsaka kine-cremate.

Sakaling ganito rin ang ginawa sa kaso ni Dacera, malaking kapabayaan nga ito sa panig ng PNP.

Maghihintay pa ba tayo ng mas malawakang galit ng publiko bago ito solusyunan?

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.


  •  
  •  
  •  

Loading...