Gilas Pilipinas Terrence Romeo, nasangkot nanaman sa gulo sa QC

Gilas Pilipinas Terrence Romeo, nasangkot nanaman sa gulo sa QC

July 12, 2018 @ 8:09 AM 5 years ago


 

Quezon City – Matapos ang rambulan sa Arena ng Gilas Pilipinas at ng Australia sa FIBA World Cup kamakailan, muli nanamang nasangkot sa gulo si Gilas player Terrence Romeo kaninag umaga sa Quezon City.

Inimbitahan ng mga pulis si Terrence sa QCPD Station 10 upang tanungin sa nangyaring insidente.

Ayon sa ulat, sa loob ng bar, nilapitan ng isang grupo ng fans si Romeo para magpa-picture nang bigla nalang suntukin ng kasamahan ng basketbolista ang isang fan na nagresulta ng rambulan.

“Una po, nakapagpapicture na kami kina Terrence. Pangalawa po, pauwi na kami, nagpapaalam po kami para magpapicture po ulit. Nagulat na lang po kami may bigla pong sumapak,” sabi ni Clarissa Cabrera, asawa ng isa sa mga biktima sa isang panayam.

“Hanggang sa nagkagulo na po. Napailalim na po ‘yung binugbog nila,” dagdag pa niya.

Nilinaw naman ni Cabrera na hindi si Romeo ang nagsimula ng rambulan kundi ang kaniyang mga kasamahan.

Nakakuha pa raw ng litrato si Cabrera ng lalaking nagsimula ng gulo ngunit mariin namang itinanggi ng kampo ni Romeo na kasamahan nila ang lalaki.

Matapos ang halos isang oras sa QCPD Station 10 sa Kamuning, pinayagan naman nang makaalis si Romeo dahil wala namang nagsamapa ng reklamo tungkol sa insidente.

Tumanggi naman magbigay ng detalye ang basketbolista sa insidente at sinabing, “Tignan niyo na lang po ‘yung CCTV, then… saka niyo po ako balikan.” (Remate News Team)