Ginang binaunan ng bala sa ulo, todas!

Ginang binaunan ng bala sa ulo, todas!

August 13, 2022 @ 12:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Humandusay ang duguan at walang buhay na katawan ng isang 41-anyos na ginang matapos malapitang barilin sa ulo ng hindi kilalang suspek sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Namatay noon din ang biktimang si Jenifer Dacoco, residente ng Block 2, Lot 16, MVP Hernandez St. Brgy. Catmon habang mabilis na nagtatakbong palabas ng eskinita ang nag-iisang suspek patungo sa hindi nabatid na lugar.

Sa ulat na isinumite nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Michael Oben kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nakaupo sa gilid ng eskinita sa Flovi Homes, Phase 3, Letre, Brgy. Tonsuya ang biktima dakong alas-8:30 ng umaga nang lapitan ng salarin at bigla na lamang binaril sa ulo.

Dumayo lamang sa naturang barangay ang biktima na tila may hinihintay nang biglang lapitan at paputukan ng malapitan sa ulo ng salarin.

Sinabi ni PSSgt. Rio Norcio na kaagad nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 upang magsagawa ng follow-up operation subalit nabigo silang mahanap at madakip ang salarin.

May hinala naman ang pulisya na may kinalaman sa ilegal na droga ang nangyaring pagpatay sa biktima matapos makuha sa kanya ng mga tauhan ni P/Maj. Sonny Boy Tepace ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hindi pa batid na dami ng hinihinalang shabu.

Bukod dito, narekober din sa pinangyarihan ng insidente ang isang basyo at isang depormadong bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril habang patuloy ang imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek. Boysan Buenaventura