Ginang ginilitan sa kaarawan

Ginang ginilitan sa kaarawan

February 15, 2023 @ 7:17 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Laslas sa leeg at wala ng buhay nang natagpuan ang isang 58-anyos na ginang sa loob ng kanilang bahay sa Bacoor City, Cavite

Base sa nakalap na report, kinilala ang biktima na si Felicitas Policarpio Soriano, may live-in partner ng Block 21 Lot 45 Beige St. Camella North Springville, Brgy. Molino 3 Bacoor City, Cavite

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si Patrick John Manabat Gonzales, 21, stay in helper at residente ng Brgy. Agnaya, Plaridel Bulacan na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa report, dakong alas-6:00 Sabado ng umaga noong Pebrero 11 nang natagpuan ni Leonor Giducos (kaibigan ng biktima) na wala ng buhay sa loob ng kanyang kuwarto sa bahay ang biktima.

Napag-alaman na bago ang pagpatay ay nanghihiram umano ng pera ang suspek sa biktima subalit hindi ito pinagbigyan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasa tatlong linggo pa lamang naninilbihan bilang stay-in helper ang suspek sa tindahan ng anak ng biktima.

Nabatid na matapos ang pagpatay, tumakas ang suspek ng madaling araw base na rin sa kuha ng Closed Circuit Television (CCTV).

Kasabay ng pagtakas nito, bitbit na umano ng suspek ang kanyang mga gamit at tangay din umano ang wallet ng biktima.

Positibo rin ang pagkakakilanlan sa suspek dahil sa bakas ng dugo mula sa pinangyarihan ng insidente gayundin ang t-shirt nito na may bahid ng dugo at itinapon sa isang creek, may ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen.

Nabatid na kaarawan din ng biktima nang isagawa ang krimen ng pagpatay. Margie Bautista