Ginang, hinataw sa ulo ng anak

Ginang, hinataw sa ulo ng anak

July 15, 2018 @ 2:11 PM 4 years ago


 

Pagadian City – Basag ang ulo ng isang ginang makaraang hatawin ng bato ng mismong sariling anak sa Pagadian City kahapon.

Hindi na umabot ng buhay habang isinugod sa ospital ang 47 taong gulang na biktima na si Gina Tinga habang patuloy na tinutugis ng pulisya ang anak na suspek na nakilalang si Almer Daniel, 20.

Lumalabas sa inisyal na ulat ng Pagadian City police, nangyari ang karumal dumal na krimen habang naglalaba sa ilog ang biktima hindi kalayuan mula sa kanilang bahay  sa Purok Malunggay, Barangay Banale.

Dinalhan umano ng hapunan ng isa pang anak na babae ang kanilang ina sa pag-aakalang hindi pa ito tapos sa paglalaba subalit laking gulat nito nang makita ang duguan at nakahandusay na ina.

Pero bago pa ang krimen ay huling nakita ang biktima at anak na suspek na nagkaroon ng matinding alitan at sagutan.

Batay sa ilang pahayag ng iba pang anak ng biktima, kilala ang kanilang kapatid na si Almer na bayolente at nananakit sa kanila.

Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang ugat ng matinding pagtatalo ng mag-ina na nauwi sa krimen. (Jeff Gallos)