Ginang kinatay ng kawalwalan sa sirang mic!

Ginang kinatay ng kawalwalan sa sirang mic!

May 15, 2022 @ 3:34 PM 1 month ago


Bulacan- Kalunos-lunos ang sinapit ng isang ginang matapos pagsasaksakin ng dalagang kainuman dahil lamang sa nasirang mikropono ng videoke sa bayan ng Norzagaray.

Kinilala ang suspek na si Mary Jane Sharlyn Bravo, 23, dalaga, habang ang biktima ay si Ana Villaruel, 32, may ka-live in at  kapwa residente ng Brgy. Tigbe.

Sa report, nangyari ang madugong insidente bandang alas-9:30 ng gabi nitong Sabado sa Sitio Munting Sapa, Brgy. Tigbe.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkainuman at nagkantahan sa videoke ang suspek na si Bravo at ang biktimang si Villlaruel sa isang bahay.

Sa kasagsagan ng inuman ay umuwi ang suspek sa kanilang bahay subalit makalipas ang isang oras ay bumalik ito sa umpukan para kunin ang kanyang mikropono.

Nagalit umano ang suspek nang malamang nasira ang kanyang mikropono hanggang sa magkasagutan at makaalitan niya ang biktima.

Naawat naman ito ng isang kasama hanggang sa muling umuwi ang suspek at naiwang nakatambay ang biktima sa kalapit na tindahan.

Lingid sa kaalaman ni Villaruel ay binalikan siya ng suspek bitbit ang kitchen knife at nang magkita ay kinaladkad niya ito hanggang sa pagsasaksakin sa kaliwang tagiliran nito.

Matapos ang insidente, mabilis na nagtago ang suspek sa kanyang bahay habang ang biktimang duguan na humihingi ng saklolo ay nawalan ng malay.

Agad namang isinugod ang biktima sa Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte subalit binawian din ng buhay.

Nalamang naaresto naman ng mga rumespondeng tanod ang suspek at nabawi ang ginamit na patalim na kapwa isinuko sa pulisya kalaunan.

Nahaharap sa kasong murder ang dalagang suspek habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III