Ginang na bigtime tulak arestado

Ginang na bigtime tulak arestado

July 16, 2022 @ 3:15 PM 4 weeks ago


CONSOLACION, Cebu- Nagwakas ang maliligayang araw ng isang ginang na bigtime pusher matapos madakip ng mga awtoridad sa ginawang buy-bust operation Biyernes sa bayang ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Winnie Delos Santos Chow, kilala sa tawag na “Nanay,”, 63-anyos, ng Barangay Subayon, Toledo City .

Batay sa report ng Cebu Police Provincial Police Office (CPPO) dakong alas-8:45 ng gabi nadakip ang suspek sa Barangay Poblacion Oriental, Consolacion, Cebu.

Ayon kay Police Major Joey Bicoy, hepe ng Cebu Police Provincial Police Office (CPPO) Intelligence Unit,  nakuha kay Chow ang isang kilo ng hinihinalang shabu na aabot sa halagang P7.4 milyon.

Sa isinagawang surveillance ng pulisya matagal ng gawain ng suspek ang pagbebenta ng droga simula pa 2012 o 2013 at natigil ito dahil sa ipinatupad ng Oplan Tokhang taon 2016.

Muling namayagpag si Chow sa pagbebenta ng ilegal na droga taon 2021 hanggang sa nahuli ito ng mga operatiba.

Sinabi pa ng pulisya, na sa loob ng isang linggo ay nakakapagbenta ng 100 hanggang 200 gramo ng shabu ang suspek at ibinabagsak niya ito sa Lapu-Lapu, Mandaue at kalapit na lungsod gaya ng Talisay City.

Madalas ay hindi pumipirmi sa isang lugar si Chow at inuupahan lamang itong boarding house sa Toledo City.

Napag-alaman din na ang ka-transaksyon ni Chow sa kanyang illegal na droga ay nasa loob ng city jail.

Patuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya para tukuyin kung sino pa ang mga kasabwat ni Chow na ngayon ay nahaharap sa kasong illegal drugs. Mary Anne Sapico