Ginang patay sa kausap

Ginang patay sa kausap

November 13, 2022 @ 3:27 PM 3 weeks ago


COTABATO CITY – Duguan bumulagta ang isang ginang matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek na huling kausap ng una, iniulat Sabado, Nobyembre 12 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Anoria Manabilang,39-anyos, at residente ng Tukananes Barangay Poblacion 7 Cotabato City.

Batay sa report ng Cotabato City Police Station-1 , dakong 4:30 PM naganap ang krimen sa Magallanes Street, Brgy. Poblacion 6 ng lungsod.

Ayon kay CCPO Station 1 Commander Captain Kenneth Rosales, galing ang biktima sa Old Market at pagdating sa nasabing lugar  ay nilapitan ito ng suspek at kinausap.

Makalipas ang ilang minuto bigla na lamang bumunot ng kalibre .45 na baril an suspek at pinagbabaril ang biktima sa ulo at likod na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran ikadarakip nito. Mary Anne Sapico