Ginang patay sa selos ng live-in partner

Ginang patay sa selos ng live-in partner

September 19, 2022 @ 12:20 PM 2 weeks ago


ALAMADA, Cotabato- Minsan pang napatunayan na walang mabuting dulot ang matinding selos matapos pagbabarilin-patay ang isang ginang ng kanyang kinakasama dahil umano sa selos nitong Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Marlin Soriano, 36-anyos, negosyante at residente sa Purok 5, Brgy. Pacao sa nasabing bayan.

Sa isinagawang manhunt operation ng pulisya nadakip ang suspek at live-in partner ng biktima na kinilalang si Arnold L. De Lima, nasa hustong gulang, at nakatira sa nasabing lugar.

Batay sa report ng Alamada Municipal Police Station, dakong alas-9 ng umaga naganap ang krimen sa bahay ng mag-live-in partner sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, kararating lamang ng biktima mula sa kanyang Milk Tea shop sa Nicaan, Libungan, Cotabato na inihatid ng isang Warren Ferolino.

Pagpasok sa bahay ng biktima nagkaroon ng sila ng pagtatalo ng suspek hanggang sa pinagbabaril ito na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Tinangka pang awatin ni Ferolino si Delima at agawin ang baril subalit mabilis na itong tumakas.

Kinabukasan, bandang alas-4:20 ng hapon nadakip ang suspek sa pinagtataguan nitong bahay sa Rangayen, Alamada, Cotabato.

Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay ang suspek. Mary Anne Sapico