Ginang pinagbabaril sa harap ni mister

Ginang pinagbabaril sa harap ni mister

February 20, 2023 @ 10:41 AM 1 month ago


LAGUNA- Dead on arrival sa pinakamalapit na hospital ang isang ginang nang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki habang bumibili ng pagkain sa tindahan kasama ang kanyang mister, kaninang madaling araw sa Sitio Gulayan, Barangay Niugan, Cabuyao City.

Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na nagtamo ng tama ng bala sa parte ng katawan mula sa kalibre 9mm na si Maricel Reston, nasa hustong gulang, may asawa, naninirahan sa nabanggit na lugar, samantalang hindi nakilala ang suspek na mabilis na tumakas sa hindi malamang direksyon .

Base sa ulat ng Cabuyao City Police Station sa tanggapan ni PCol. Randy Glenn Silvio Provincial Director ng Laguna Provincial Police Office, dakong alas-12:30 kaninang madaling-araw, habang ang biktima na kasama ang kanyang mister ay bumibili sa isang tindahan ng pagkain, biglang dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang nasabing ginang, na agad na isinugod sa St. James Hospital sa Sta Rosa City, subalit idineklarang dead on arrival.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang anim na 9mm fired bullet shell, kung saan patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na pamamaril sa ginang at inaalam din ang motibo ng pamamaslang, gayundin ang pagkakakilanlan ng suspek para sa agarang ikadarakip nito. Ellen Apostol