Ginang pinugutan ng ulo sa kalabaw

Ginang pinugutan ng ulo sa kalabaw

November 27, 2022 @ 4:27 PM 2 months ago


NEGROS OCCIDENTAL- Hindi inakala ng isang ginang na dahil lamang sa kanyang kalabaw na ipina-buntis ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan matapos pugutan ng ulo ng kanyang kapitbahay habang sugatan ang isa pang babae kahapon, Nobyembre 26 sa probinsyang ito.

Kinilala ang namatay na si Gelly Recodo, 58-anyos, habang ginagamot sa ospital ang pamangkin nitong si Bernalyn Abranilla, 35, at kapwa residente ng Sitio Pisong Barangay Dian-ay, Escalante City.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Randy Maniego, 35, ‘bakero’, at nakatira sa nasabing lugar.

Batay sa report ng Sagay City Police Station, dakong 7:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa Purok Himaya, Barangay Maquiling, ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang mga biktima sa nasabing lugar ng makasalubong nila ang suspek na may bitbit na itak.

Agad na tinagpas ng suspek ang ulo ni Recodo at humiwalay ito sa kanyang katawan na naging sanhi ng kamatayan.

Sunod naman pinagtataga ng suspek si Abranilla na tinamaan sa tiyan at naputol ang tatlong daliri nito at sa kabila ng mga sugat na tinamo nagawa pa nitong makatakbo at humingi ng tulong saka dinala sa ospital para lapatan ng lunas.

Kaswal naman naglakad ang suspek patungo sa sementeryo ilang metro ang layo saka ipinatong sa krus ang pugot na ulo ni Recodo.

Naabutan naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek na niluhuran ng suspek ang ulo ng biktima habang nagsasagawa ng ritwal.

Agad naman dinakip ng mga pulis ang suspek at dinala sa nasabing himpilan ng pulisya.

Ayon sa pulisya, napagkasunduan ng suspek at biktima na ipa-pabuntis ng huli ang babae nitong kalabaw sa una at ang magiging unang anak nito ay mapupunta kay Recodo habang ang pangalawa ay sa suspek 12-taon na nakakalipas.

Nabuntis ang kalabaw at hindi pa ito nanganganak ng magkasakit umano ang suspek kaya kinausap nito ang biktima na kunin na nito ang kalabaw at siya na lamang ang mag-asikaso kapag dumating ang oras na manganak na ang kalabaw at bayaran na lamang siya sa halagang P10,000.00.

Hindi pumayag si Recodo sa nasabing halaga kaya nakiusap ang suspek na kahit P5,000.00 na lamang hindi pa rin pumayag ang una .

Para matigil na ang usapan binigyan ng biktima ang suspek ng halagang P2,000.00 nakiusap pa rin ang suspek na dagdagan na lamang ng P1,000.00 para tapos na ang lahat at wala ng magiging usapan pa.

Hindi pa rin pumayag si Recodo hanggang sa nagtanim ng sama ng loob ng suspek at pinatay niya ang biktima.

Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng suspek na hindi niya pinagsisihan ang ginagawa niyang krimen.

Nahaharap ngayon sa kasong murder at frustrated murder ang suspek. Mary Anne Sapico