Ginang pumalag niratrat ng riding-in hold up tandem, todas

Ginang pumalag niratrat ng riding-in hold up tandem, todas

November 19, 2022 @ 4:40 PM 1 week ago


Bulacan – Arestado ang riding-in tandem na umanoy nangholdap, tatlong beses na bumaril  at  nakapatay sa ginang na mamalengke sana sa kalapit bayan sa follow up operation ng pulisya sa bayan ng Guiguinto.

Kinilala ni PLt. Col. Jowilouie Bilaro, OIC Guiguinto police ang mga suspek na sina Juan Mejica alyas Bakal, residente ng Northville 7, Brgy. Malis at Leonard Manota alyas Boboy ng Sta. Clara Estate, Brgy. Sta. Rita.

Ang kalunos-lunos na biktima ay kinilalang si Imelda Cabigting, 55, vendor, may-asawa at residente ng Northville 7, Brgy. Malis.

Sa report ng Guiguinto police, nangyari ang insidente bandang alas-2 ng madaling araw nitong Nobyembre 18, sa Purok 2, Brgy. Malis.

Ayon sa imbestigasyon, lulan ng tricycle ang biktima na minamaneho ng isang nagngangalang Charlie, 45, ng Sitio Tuklas, Brgy. Malis papuntang palengke ng Balagtas para mamili ng isda at gulay.

Lingid sa kanilang kaalaman, may nakabuntot sa kanilang magka-angkas sa motorsiklo hanggang sa tutukan ng hindi mabatid na baril at pinahinto sila.

Bumaba ang back ride na nakasuot ng brown jacket hanggang sa tinutukan ang biktima sa loob ng tricycle na nagdeklarang holdap at pilit na kinukuha ang bag nito.

Tumanggi umano ang ginang na ibigay ang bag na naglalaman ng hindi mabatid na halaga ng pera na ikinagalit ng suspek kaya binaril niya ito ng tatlong beses na agarang ikinamatay nito.

Sinasabing bago barilin ang ginang ay unang binaril muna ng galit na suspek ang isang napadaang asong kalye.

Sa takot ng tricycle driver ay nagtatakbo ito para humingi ng saklolo habang ang mga suspek lulan ng motorsiklo ay tumakas patungo sa  direksyon ng Brgy. Tabe.

Dahil dito,  inatasan ni Bilaro si PLT Rufino Victoria Jr na pangunahan ang follow up operation hanggang sa positibong ituro ng tricycle driver ang larawan ng suspek na si Mejica na ilan sa ipinakita sa kanya ng mga alagad ng batas.

Nang puntahan ng mga pulis ang lugar ni Mejica ay hindi sinasadyang nakita ito ng impormante kaya agad nahuli hanggang sa inguso naman nito ang kanyang kasabwat na si Manota na nahuli kalaunan sa Brgy. Sta. Rita.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III