Ginang tiklo sa P680K shabu sa Caloocan

Ginang tiklo sa P680K shabu sa Caloocan

November 10, 2022 @ 3:59 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umabot sa P680,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang ginang na umano’y tulak ng illegal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police chief Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek bilang si Erlina Acao alyas “Nene”, 54 ng Brgy. 188, Tala.

Ayon kay Col. Lacuesta, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO sa Fahad St., Brgy.188 matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng suspek.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P40,000 halaga ng droga at nang tanggapin niya ang marked money mula sa pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer kapalit ng shabu ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto si Acao.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P680,000.00, buy bust money na isang tunay na P1,000 at 39 pirasong P1,000 boodle money at brown coin purse.

Kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa ng pulisya kontra sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. R.A Marquez