Napakalaking kagaguhan kung paniniwalaan natin ang argumento ng dilawan, partikular ang Noynoy Aquino gang, na mag-eeleksyon sa susunod na taon kaya pinalalabas ng mga senador na masyadong maanomalya ang Department of Health sa nakalipas na administrasyon ni Aquino.
Datos ang nagsasalita. Datos ang ginagamit ng ilang senador na naghahanap ng katotohanan hinggil sa bilyon-bilyong pondo na nakalaan sa mahihirap, alinsunod sa nakasaad sa General Appropriations Act, ngunit ginamit ng DOH na badyet sa pampatay sa lamok at pagpapatayo ng rural health centers.
Walang pondo sa immunization program para sa 2016, ngunit naobliga ni Aquino si dating Budget Sec. Florencio “Butch” Abad na maglabas ng P3.5 bilyon para makabili si dating Health Sec. Janette Garin ng Dengvaxia vaccine ng Sanofi Pasteur.
Noong 2015, hindi man lang hinarang at pinigilan ni Aquino sina Garin at Philhealth President Alexander Padilla na ilipat sa DOH ang P10.8B pondo ng Philhealth para sa senior citizens na ginamit ng DOH sa pagpatayo ng rural health centers.
Binasbasan din ni Aquino ang pagkakaroon ng panibagong P8.7 bilyon ang DOH para sa pagpapatayo ng mga Barangay Health Station at mula ito sa “savings” ng administrasyon.
Mas mainam, kung ibinigay ito sa Department of Social Welfare and Development para nadagdagan sana ang pondo nito para ipamahagi sa mga pangkaraniwang tao na pumipila sa DSWD upang manghingi ng P500 na pambili ng gamot.
Kaso, mas ginusto pa ng nakalipas na administrasyon na pondohan ang mga proyektong mauuwi sa pandurugas.
Ang BHS ay mahigit 200 pa lang ang tapos hanggang ngayon mula sa halos 500 tudla ng DOH. Kaya, lumilitaw na ginawang gatasan ng pangkat ni Noynoy Aquino ang pondong nakalaan sa mahihirap.
P20M SA TRICYLE DRIVERS AT OPERATORS
Malapit sa puso ni Quezon City Vice-Mayor Joy Belmonte ang tricycle drivers at operators kaya tinitiyak niya na malapit nang ipasa ng Sangguniang Panglunsod ang panukalang ordinansa na “Personal Accident Insurance Coverage Program” para sa kanila.
Sa simula, tinatayang P20 milyon ang inisyal na pondong kakailanganin ng nasabing insurance program. Hindi na masama dahil ilalaan naman ang P20M sa pangkaraniwang taong pinaglilingkuran ni Belmonte.
“’Wag kayong mag-alala dahil walang karagdagang gastos ito para sa inyo sa simula. Sasagutin ng lungsod Quezon ito para sa inyo…,” diin ni Belmonte.
-BADILLA NGAYON