GINTO ANG SEMENTO

GINTO ANG SEMENTO

September 8, 2022 @ 2:18 PM 4 weeks ago


SA unang tingin, tila maganda ang panukala ng Department of Trade and Industry noong 2019 na taasan ang taripa ng imported cement para protektahan ang lokal na industriya ng semento.

Layon ng DTI na bigyan ng pagkakataon ang local manufacturers na mapagbuti ang kanilang kakayanan na makipagkompitensya sa mga imported na semento sa loob ng tatlong taon.

Ngayong taon na ito ay matatapos na ang Administrative Order ng departamento, at umaatungal na ang Cement Manufacturers Association of the Philippines sa kanilang pagnanais na ma-extend ito.

Pero teka lang, sino ba ang nakinabang sa pagtaas ng taripa sa imported na semento? Ayon na rin sa price monitoring ng DTI, tumaas ng P15 per 40-kg bag ang semento sa bansa mula nang maipataw ang dagdag na taripa sa imported cement. Ngayong taon, tumaas pa sa P20 per 40-kg bag ang semento. Di hamak na mas mataas ang mga dagdag na presyo na ito sa P8 taripa ng DTI sa mga imported cement. Hulaan ninyo kung sino ang lugi at kawawa sa mga presyong ito? Siyempre, hindi ang local cement industry.

Kung pagbabasehan natin ang idineklarang kita ng mga local manufacturers sa SEC, tiba-tiba ang kinita ng mga ito sa pagtaas ng presyo ng semento. Halimbawa na lang, ang net income ng Republic Cement noong 2018 bago ang taripa sa imports ay P213 million. Nang naipataw ang taripa, umabot sa P1.6 billion ang kanilang kita. Ang ibang kompanya ay nagtala rin ng napakalaking bawi sa kita maski ang ibang industriya ay nalulugi dahil sa pandemya.

Kung iisipin nga naman natin, tuloy-tuloy ang pangangailangan sa semento-mula sa mga nagpapatayo ng bahay hanggang sa malalaking proyekto ng bansa-kahit pa tinamaan tayo ng pandemya. Happy-happy ang manufacturers ng semento sa bansa, iyak naman ang bulsa nating consumers.

Malaki rin ang epekto ng mataas na presyo ng semento sa national budget ng Marcos administration. Tone-toneladang semento ang kakailanganin ng “Build, Better, More” (BBM) infrastructure program ng Pangulong Bongbong Marcos.

Ngayong nagtitipid ang gobyerno para matugunan ang iba pang pangangailangan ng ating bansa lalo na’t nag-re-recover pa tayo sa pandemya, malaking lugi sa national budget ang mataas na presyo ng semento.

Ang tanong natin, ano nga ba ang nagawa sa loob ng tatlong taon ng Cement Manufacturers Association of the Philippines at hanay nito upang maging competitive ang local industry? Bakit kailangan pa nilang ma-extend ang dagdag-taripa sa mga imported na semento? Di pa ba sapat ang kinita nila para mapabuti ang kalagayan ng kanilang industriya?

Bilang konsyumer, may karapatan tayong mamili ng ating nais bilhin, lalo na kung may mapipili tayo na mas mura.