GIRIAN AT BALYAHAN SA LOOB

GIRIAN AT BALYAHAN SA LOOB

September 14, 2022 @ 3:59 PM 2 weeks ago


HINDI talaga maiiwasan ang brasuhan at sikuhan sa loob ng kahit anong administrasyon kung titingnan ang umaastang magaling ay ‘yung wala namang ginawa sa kampanya kundi manood at hintayin ang mananalo at saka lulutang na animo’y tumaya sa kasagsagan ng laban sa eleksyon.

Halimbawa,’yung nangyaring paninira kay Executive Secretary Atty.Vic Rodriguez kung saan may ilang sumabotahe na kesyo bababa siya sa puwesto dahil nadawit sa umano’y kasinungalingang position for sale sa Malakanyang.

At ngayon nama’y pilit na inuugnay ang pangalan ng butihing kalihim sa sugar fiasco na pawang imbento lang naman ang pinululutang ng ilang hindi napagbigyang kunwaring tumulong sa kampanya ni PBBM noon na kung hahalukayin ang pagkatao ay nais lang makasungkit ng posisyon at magpayaman ng husto.

Ganyan din ang naamoy ng ilang tsuwariwap natin sa loob ng Philippine National Police kung saan ‘yung ilang walang kapagod-pagod daw na matataas na opisyal ay nabigyan ng pabor samantalang ang mga tumulong noong halalan ay dilat ang mga mata sa paghihintay ng magandang posisyon.

Gaano kaya katotoo na may ilang wala namang taya na opisyal na sanggang-dikit sa Kampo Crame ang buhay-hari na ngayon samantalang nakatengga naman ang papel ng ilang tunay na tumulong noong kampanya?

Walang pinagkaiba sa mga dumidikit ngayon sa Malakanyang na mga mokong at sumisilip ng posisyong pagkakaperahang kung tutuusin ay nasa kabilang kampo naman noong kasagsagan ng laban. Talaga bang kasing tigas lang ng adobe ang kapal ng mga mukha nila?

Sa totoo lang,sila ‘yung pinaniniwalaang pasanin ng kasalukuyang administrasyong mistulang anay na sumisipsip sa bawat mahawakang puwestong walang pakialam sa tunay na adhikain ni PBBM na mabigyan ng tunay na pagbabago ang bansa.

Ano nga naman ang aasahan ng sambayanan sa mga kumag na itong hindi naman kabilang sa UniTeam ni PBBM sa halip ay puro pansariling kabuhayan lang ang nasa utak.

Sila ‘yung “nag-ober da bakod” lang naman subalit umaastang siga pa ngayon.
Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]