Giyera ng mga drug cartel sumiklab, 5K sundalo sumali

Giyera ng mga drug cartel sumiklab, 5K sundalo sumali

August 15, 2022 @ 10:26 AM 2 months ago


MEXICO – Nagpadala na ang pamahalaang Mexico ng 5,000 sundalo upang papayapain ang giyerang sumiklab sa pagitang mga drug cartel malapit sa hangganan ng bansang ito at United States.

Napag-alaman kay Mayor Montserrat Caballero, ng Tijuana na sakop ng estado ng Baja California, na kabilang sa mga pinagsimulan ng giyera ang singilan sa pangungutang na walang bayaran sa pagitan ng mga drug cartel.

Ang makapangyarihang Jalisco New Generation cartel ang nangunguna sa giyera laban sa iba pang drug cartel na nag-aagawan sa bentahan ng mga iligal na droga sa pagitang ng Mexico at US.

Ang Arellano Felix cartel umano ang matagal nang may kontrol sa lugar at ngayo’y inaagawan ng Jalisco New Generation ngunit kasali na rin ang iba pang mga kartel ng droga.

Sa ngayon, mayroon na umanong nasa 30 na sasakyang ang sinunog habang sarado ngayon ang highway patungong US mula sa Mexico.

May naaresto na umanong 17 miyembro ng mga drug cartel at sinabi ni State Governor Marina Del Pilar na gagawin ng pamahalaan ang lahat para magiging mapayapa ang pamumuhay sa lugar.

Nauna rito, nagpadala na rin ng nasa 600 sundalo ang pamahalaan para sapilitang pairalin ang normal na pamumuhay sa Ciudad Juarez na naging magulo makaraang magwala ang mga kasapi ng Mexicles drug cartel na kalaban ng Jalisco New Generation.

Nasa 11 katao ang pinagbabaril sa mamatay sa loob ng kulungan at sa Ciudad Juarez at marami ang pinagsusunog na sasakyan at mga tindahan, lalo na ang mga Oxxo store. RNT/FC