GIYERA SA DROGA SA MEXICO SILIPIN

GIYERA SA DROGA SA MEXICO SILIPIN

February 23, 2023 @ 2:00 PM 4 weeks ago


SA harap ng paglago ng kalakalang droga sa Pilipinas, magandang tingnan ang mga nagaganap sa Mexico.

Nitong nagdaang araw, ang utak ng giyera sa droga sa Mexico ay hinatulang nagkasala sa pagkakasangkot sa droga ngunit sa United States siya hinatulan ng jury.

Si Genaro García Luna, dating security minister ng Mexico o katumbas ng Federal Bureau of Investigation sa US, ang tinutukoy nating idineklarang nagkasala.

BILANG UTAK NGUNIT PROTEKTOR

Taong 2006 nang magsimula ang giyera sa droga sa ilalim ni dating Pangulong Felipe Calderon at si Luna ang itinuring nitong kanang kamay sa giyera.

Hindi pulis kundi pwersa militar ang ginamit ni Calderon laban sa mga taong droga.

Ipinagkatiwala ni Calderon ang giyera dahil malalim ang kaalaman nito sa kalakalan sa droga.

Subalit ang kaalaman pala nito ay may halong kababalaghan.

Tumatanggap pala siya ng male-maletang salapi bilang suhol ni Joaquín “El Chapo” Guzmán’s, pinuno ng Sinaloa drug cartel.

Sa gitna ng droga, naging protektor si Luna ni Guzman.

TSUTSU AT MADUGONG GIYERA

Bukod sa protektor ni Guzman at ang Sinaloa nito, itsinutsutsu rin ni Luna kay Guzman ang mga kalabang kartel ng Sinaloa na laging gumagawa naman ng madugong paraan para durugin ang kanilang mga karibal gaya ng Los Zetas cartel at Tijuan cartel.

Pare-pareho ang mga cartel na ito na nagdadala ng droga sa mga Kano bilang pangunahin nilang mga suki at dito sila nag-aaway-away para makuha ang pinakamaraming Kano na gagawin nilang mga druglord, pusher at user.

Kilala ang mga Kano na lulong sa droga at ginagawa pa ngang pabuya ang marijuana sa mga kabataan para lang magpabakuna laban sa COVID-19.

Nagmumula naman sa US ang mga malalakas na armas na gamit ng mga cartel na ito hanggang sa nagiging napamakapangyarihan.

Naging makapangyarihan ang mga cartel dahil halos hawak nila ang pamahalaan mula sa nasyunal hanggang sa mga lokal na pamahalaan.

300,000 PATAY SA DROGA

Sa panahon nina Calderon, sinasabing umabot sa nasa 200,000 ang namatay dahil sa giyera at sa mga araw na ito na iba na ang Pangulo, si Andrés Manuel López Obrador, nagpapatuloy ang madugong digmaan sa droga at tinatayang nasa 300,000 na lahat.

Kadarakip lang nitong unang linggo ng Enero 2023 ang anak mismo ni Guzman na si Ovidio Guzmán López.

Habang dinarakip ito, nagwala ang mga tauhan nito at pinagsusunog ang maraming sasakyan sa Sinaloa at kasamang pinagbabaril ang isang eroplano.

Kasama sa mga pinagpapatay ng mga cartel ang maraming mamamahayag, pari at politikong lumalaban sa kanila.

Maituturing pa ring narco-state ang Mexico sa kabila ng pamumuno ni Obrador.

KUMUSTA ANG PINAS?

Meron din kayang Genaro García Luna sa gobyerno ngayon kaya palakas nang palakas ang droga?