GIYERA SA DROGA SA TRIANGLE OF DEATH

GIYERA SA DROGA SA TRIANGLE OF DEATH

November 29, 2022 @ 11:48 AM 2 months ago


GRABE ang mga patayan sa tatlong bansa sa Latin America: ang Honduras, El Salvador at Guatemala.

Ang dahilan? Droga, mga brad.Nitong nakaraang Biyernes, idineklara ng unang babaeng pangulo ng Honduras na si Xiomara Castro ang national emergency laban sa droga.

Ito’y makaraang magwelga ang mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan laban sa mga gang na naniningil ng war tax.

Kapag hindi sila magbigay, binabantaan silang papatayin o patitigilin sa biyahe.

Eh sino naman ang hindi maririndi sa ganyan, lalo’t kasama na ang mga komunidad na dinadamba ng droga na kakambal ang pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw, panghoholdap, pagkarnap at prostitusyon.

Nagbubunga na rin nang malaganap na karukhaan ang droga dahil maraming adik ang nawalan ng trabaho, laganap ang nakawan, holdap at pangingikil at ibinibili lang ng droga ang kita.

Sa El Salvador, nang malusaw ang ceasefire sa labanan ng dalawang gang na Barrio 18 at Mara Salvatrucha (MS-13), muling sumiklab ang karahasan at paghahari ng mga druglord sa halos buong bansa.

Nauna nang nagdeklara si El Salvador President Nayib Bukele ng state of emergency ilang buwan na ang nakalilipas mula Marso hanggang Hulyo at libo-libo ang kanyang pinakulong at sinuportahan ito ng 70 posyento ng mga mamamayan.

Sa Guatemala naman nanggagaling ang malaking bulto ng mga cocaine na ibinibenta sa Mexico at United States at gawa ito ng mga malalaki at makapangyarihang drug cartel gaya ng Zeta na nakabase sa Mexico at nago-operate din sa Guatemala.

Sinasabing mahigit sa 90 porsyento ng mga kasong murder dito ang walang kalutasan subalit pinaniniwalaang gawa ito ng mga drug cartel na hindi makayang kontrolin ng pamahalaan.

Habang sinusulat natin ito, bigla nating naalala si Pangulong Digong na nagpahinto sa droga nang kaladkarin ang Pinas patungo na sana sa dinaranas ng nasabing tatlong bansa.

Daghang salamat sa imo, Mayor President Digong!