GIYERA VS DROGA HINDI DAPAT TUMIGIL

GIYERA VS DROGA HINDI DAPAT TUMIGIL

December 21, 2022 @ 1:50 PM 1 month ago


KUNG saan-saan na sumusulpot ang iba’t ibang iligal na droga.

Sa ngayon, naaresto si Imran bin Muhalir, alias Imran bin Muhazir, 22, isang Malaysian, sa Brgy. Calarian sa Zamboanga City.

Ayon kay Col. Alexander Lorenzo, chief ng Zamboanga City police, madalas itong maglabas-masok nang iligal sa Zamboanga City at Tawi-Tawi.

Nahuli siya sa buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Zamboanga police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Habang nagaganap ang pangyayaring ito, may natagpuan ding cocaine ng isang magbabasura sa dalampasigan ng South Ubian sa Tawi-tawi.

Makaraang makuha ito ng mga sundalo ni Brig. Gen. Romeo Racadio, commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi, inilipat na ito sa pangangalaga ng PDEA.

May isang kilo iyon at nagkakahalaga ng P5.3 milyon.

Isang linggo bago nito, mga Bro, may isa na ring nakabalot na cocaine na natagpuan ng magkapatid na Alih at Sabri Iskhan sa parehong bayan.

Walang nakatitiyak kung galing sa Sabah o Malaysia ang mga cocaine na ito.

Sa Caloocan City, nahuli naman ng anti-narcotics agents ng Northern Police District si Jessie Nimel Zozobradon kanto ng Captain Rico at Tulip streets, Barangay 174, Camarin.

Nagkahahalaga ng P1 milyon ang nakumpiskang 150 gramo ng shabu mula kay Zozobradon.

Nasabay rin ang pagkakahuli sa tatlong nakasakay sa traysikel na may baril at P270,000 halaga ng shabu sa Barangay Salvacion.

Magagaling ang mga tauhan ni Brig.Gen. Nicholas Torre III gaya ni  PCPT. Resty Dezcalzo na namuno sa pagkakahuli sa checkpoint ng mga pusher na ito.

Sa Malabon City, hindi rin nakaligtas sa lambat laban sa droga nina P/Col. Amante Daro sina Joselito Hipolito alyas “Obang”, 52 ng Brgy. Potrero, Malabon at Jaime Achondo, 33 ng Brgy. 28, Caloocan City.

Mismong ang team ni PLt. Alexander Dela Cruz ang nakahuli kina Hipolito sa isinagawang buy-bust operations sa Tuazon Ave. Brgy. Potrero.

KATULONG ANG MAMAMAYAN

Kung iisipin, mga Bro, ang mga tagumpay ng pulisya, militar at PDEA sa giyera sa droga, malaki ang ginagampanan ng mga mamamayan.

Sila ang nakatatagpo ng mga cocaine na kanilang isinusurender sa mga nasabing awtoridad.

Sila rin ang pinanggagalingan ng mga tip na ikinahuhuli ng mga sangkot sa droga.

Kaya lang hindi pupwedeng ilantad ang kanilang mga pangalan dahil tiyak na ikapapahamak nila ito.

BANTAYAN ANG PDEA

Pansinin din na palaging inililipat sa pangangalaga ng PDEA ang lahat ng nahuhuling droga.

Sana naman, laging tapat sa tungkulin ang mga tauhan ng nasabing ahensya at hindi maging ninja-PDEA na nagre-recycle at naglalako ng mga nakukumpiskang mga droga.

Hindi natin malilimutan ang pinaggagawa nina PDEA Southern District Office chief Enrique Lucero at mga tauhan nitong sina Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno at driver nilang si Mark Warren Mallo.

Pero hindi rin dapat kalimutan ang ninja-cop na si Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., miyembro ng PNP Drug Enforcement Group, na nahulihan ng ni-recycle na P6.7 bilyong shabu sa Sta. Cruz, Manila nitong nakaraang Oktubre.

Bantayan din sila.