Global internet speed ranking ng Pinas tumaas pa

Global internet speed ranking ng Pinas tumaas pa

July 20, 2021 @ 4:40 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Umusad ng bahagya ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang may pinakamabilis na internet connections sa mundo.

Mula sa 137 bansa sa listahan ng 2021 Ookla Speedtest Global Index, nasa ika-77 pwesto ang Pilipinas noong Mayo at umakyat naman ito sa ika-75 na pwesto sa buwan ng Hunyo.

Tinatayang 31.98 megabits per second (Mbps) ang naitalang bilis ng mobile internet download ng bansa noong Mayo, sa loob ng isang buwan, nadagdagan ito ng 0.86 Mbps na nagresulta sa 32.84 Mbps na tala noong Hunyo.

Bumilis rin ng bahagya ang mobile upload na mula 8.74 Mbps patungo sa 8.92 Mbps.

Samantala, nasa ika-62 na pwesto na ang Pilipinas sa listahan ng 181 na bansang may fixed broadband na dati’y nasa ika-65 na pwesto matapos maabot ang fixed broadband download speed na 66.55 Mbps, mula 59.73 Mbps noong Mayo habang ang upload speed naman ay umakyat sa 66.86 Mbps mula 57.40 Mbps.

“The continuous upward trend in PH Internet speeds is a welcome development in our efforts to prepare for full participation in the global digital economy,” pahayag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan II.

Ayon kay Honasan, nakatulong umano sa pag-akyat ng bansa sa listahan ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2020 sa mga telecommunication network at mga ahensya ng gobyerno na magtulungan upang mas mapabilis ang koneksyon ng internet sa bansa.

“For the rest of 2021 and in the succeeding years, your DICT shall continue to support the industries for telecommunications and information services to ensure that our Internet speed rankings will continue its upward climb,” dagdag pa niya. -RNT/Ethel Mangao -trainee


  •  
  •  
  •