PANALANGIN, WALANG SAYSAY KUNG WALANG PAGKILOS

HINDI pa tayo lubos na natapos sa pagbibilang ng mga nasugatan at naospital, mga nawalan ng tahanan at mga nasirag bahay at imprastraktura na sinira ng magnitude 6 na lindol sa Davao region kamakailan, heto’t ginulantang naman tayo ng grabeng lindol sa Turkey at Syria.
Habang minamakinilya natin ang pitak na ito, mga brad, nakalulungkot at nakaiiyak ang sinasapit ng mga Turko at Syrian.
Mahigit 5,000 na ang natatagpuang patay mula sa mga gumuho o natumbang gusali at nasa 20,000 na rin ang sugatan.
Kinakalkal pa ang mga gumuhong gusali, kasama ang ilang landslide dahil taglamig at umuulan sa lugar, at tiyak na darami pa ang matatagpuang patay at sugatan.
Lalong sumama rin ang kalagayan ng milyones na refugee sa hangganan ng dalawang bansa lalo’t halos lahat ng hanggang limang palapag na bahay rito ay nagiba o gumuho nang buo.
Daan-daang libo na ang nagugutom, nauuuhaw, walang tahanan, walang mapagdalhang ospital ng mga sugatan, may sakit at nanganganak, maramihang paglilibing, nilalamig, nauulanan, hindi makatulog at nasa gitna ng giyera.
‘Di nga ba tunay na nakalulungkot at nakaiiyak ang ganitong kalagayan?
Pero dapat kambalan ang mga ito ng panalangin, pagmamalasakit at pagkilos.
Ang panalangin para sa mga biktima, hindi sapat at walang saysay kung walang pagmamalasakit na may pagkilos.
Naririyan lang ang pamahalaan at mga organisasyon na ngayo’y gumagawa na ng mga hakbang para tumulong at pwede daluyan ng ating mga tulong.
Kung paano, halimbawang, nagtayo ang Philippine Red Cross ng pasilidad para sa malinis na tubig sa Davao region, tiyak na aktibo ang Red Cross International sa pagtulong sa Turkey at Syria.
Pwedeng paraanin sa Red Cross at sa pamahalaan ang pupwede nating maitulong, kahit maliit, sa mga biktima ng lindol.
Kilos na tayo!
LINDOL SA TURKEY, BAGUIO PAREHAS KAYA GRABE SILA

SA pagsilip natin sa lakas ng lindol na naganap sa Turkey, kasama ang Syria, kamakalawa lang at sa lindol na nakilalang Baguio quake sa Pinas noong Hulyo 16, 1990, pareho sila.
Tingnan ninyo, mga Bro.
Sa lakas, pareho silang naglaro sa magnitude 7.8.
Sa lalim o parteng gumalaw sa ilalim ng lupa, halos pareho.
Ang lindol sa Baguio na nagmula sa Rizal, Nueva Ecija, may lalim na 25.1 kilometro habang itong Turkey quake, nasa 24.1 kilometro.
Pero kung totoo ang sinasabi ng US Geological Survey na nasa 18 kilometro lang ang lalim ng Turkey quake, hindi tayo magtataka kung ganu’n na lang ang lakas ng lindol na ito.
Pero ipagpalagay nang naging mas malakas nang kaunti ang pagyanig ng lupa sa ibabaw ang Turkey quake dahil sa isang kilometrong diperensya sa lalim nito kumpara sa Baguio quake, hindi nakapagtatakang magkasingbagsik ang dalawa.
Isa pa, may hiwalay sa magnitude 7.8, ang magnitude 7.5 na 95 kilometro ang layo sa una makaraan ang dalawang oras at sinundan na ito ng walong malalakas na after shock mula magnitude 6.7 at 5.6 na nasa 36 kilometro ang layo mula sa orig na lindol at karamihan sa medyo mas maliliit na after shock, nasa 10 kilometro lang ang lalim.
And kambal na lindol sa Turkey ang naging kakaiba sa Baguio quake.
PAREHO AT MAGKAIBANG KASIRAAN
Lumalabas na pareho ang dalawang lindol na gumiba sa mga maliliit at malalaking gusali.
Nagtagal ang Baguio quake na 45 segundo habang 1 minuto ang tagal ng pinagsamang lindol na magnitude 7.8 at magnitude 7.5 sa Turkey.
Kapag ganito katagal ang mga lindol na ilang kilometro lang ang lalim sa lupa, anak ng tokwa, asahan mo ang grabeng pinsala sa buhay at ari-arian.
Pero lumilitaw na higit na grabe talaga ang Turkey-Syria quake dahil kitang-kita sa mga video at larawan kung gaano babagsak o bumagsak ang matataas na gusali sa dalawang bansa at naging mga kumpol na lamang ng mga bato, semento at bakal.
Isa pang malaking diperensya, nasa ala-4:00 ng madaling araw sa kanila nang tumira ang lindol at natutulog halos ang lahat ng tao samantalang dakong alas-7:00 nang umaga nang maganap ang Baguio quake at gising na halos lahat.
Sa Baguio quake, may namatay na 1,621; nasugatang 3,513; 321 missing; at 126,035 ang nawalan ng matitirhan.
Dito sa Turkey-Syria quake, mahigit 5,000 na ang kumpirmadong patay, mahigit 20,000 ang nasugatan at tiyak libo-libo rin ang nawalan ng tahanan.
Malaking usapin din ang pagiging maulan at taglamig o winter sa Turkey-Syria kaya may kasamang mga landslide din at mga baha habang sa Baguio quake wala nito.
Kaya naman mas mahirap ang search and rescue operations ngayon sa bayan ng ex ni Ruffa Gutierrez na si Ylmas Bektas kumpara sa search and rescue sa Baguio quake.
Panginoon, kaawaan at iligtas mo kami!
TABAKO, ‘DI NA KAILANGANG ISALI

MAYROON na ba tayong nabalitaang nagsampa ang pamahalaan ng “economic sabotage” sa isang smuggler? Parang wala pa.
Kailangan talagang may mabigyan ng sampolan sapagkat kapag nangyari iyon, masasabi ng ganid na smugglers na seryoso at matuwid ang pamahalaan.
Kailangang maipatupad ng tama ang batas kaya hindi kailangan ang amendment. Hindi tugma ang panukalang Senate Bill1812 sa pinakalayunin ng Republic Act 10845.
Hindi na kailangan at ‘di rin naman mahalaga na amiyendahan ang RA 10845 o ang Anti-Smuggling of Agricultural Products Law para lamang maisama ang tabako, hilaw man o sigarilyo na ito, gaya ng isinasaad ng panukalang Senate Bill 1812.
Layon ng RA 10845, lalo ang Section 2 nito ay nagsasaad na “patakaran ng bansa ang isulong na maging produktibo ang sektor ng agrikultura at proteksiyonan ang mga magsasaka sa mga ganid na mangangalakal at mga importer.
Ang pangunahing produkto ng agrikulturang binabanggit sa RA 10845 ay ang mga “asukal, mais, karneng baboy at manok, bawang, sibuyas, carrots, isda sugar, corn, pork, poultry, garlic, onion, carrots, fish, at iba pang hilaw na mga gulay, na dumadaan sa simpleng proseso ng paghahanda para lumapag sa merkado.”
Maling polisiya kung ang tabako o sigarilyo ay isasama bilang mahalagang produkto ng agrikultura. Hindi naman kinakain ang tabako. ‘Di ito mahalaga na isama sa ating mga hapag kainan.
Dahil sa napatunayang siyentipikong mapaminsalang epekto, ang tabako o sigarilyo ay kinokontrol ng pamahalaan.
Ang mga nakalistang pagkain sa RA 10845 ay kinakailangan ng ating kalusugan at sa kaligtasan ng bawat Filipino pero ang tabako o sigarilyo ay isang bisyo at nilapatan na nga ng “sin tax” kasama sa alak.
May mga batas na rin at mga panuntunan para mabawasan ang tabako at paninigarilyo lalo ng kabataan.
Ang bigas, asukal, gulay at mga karne ay nagbibigay kalusugan. Ang tabako at sigarilyo ay pumapatay.
Sa madaling sabi, ang tabako at sigarilyo ay nabibilang sa ibang tinatawag na “agricultural products” at di kailangang isali sa listahan ng agricultural products sa RA 10845.
Ang kailangan ay ang matinding pagpapatupad ng batas upang ‘di na maulit ang nangyari sa sibuyas.
Kumpleto-rekado na ang RA 10845 kaya di na kailangang dagdagan ang mga tinatawag na ‘essential food commodities’, lalo na ang tabako na hindi naman esensyal.
DAGDAG NA AICS SATELLITE OFFICES BUKSAN

HINIMOK ng dating alkalde at kongresista ng Valenzuela City at ngayo’y bagong talagang Department of Social Welfare and Development Secreatry Rex Gatchalian ang regional directors na magbukas ng panibagong Assistance to Individual in Crisis Situation na mga satellite office upang mas lalo pang mailapit sa taumbayan ang tulong sa ilalim ng programang ito.
Ang AICS ang tumutugon sa serbisyong medikal,burial at educational ng mga kababayan natin na nasa laylayan ng lipunang kadalasan ay nakararanas ng krisis sa buhay at kailangan ng agarang tulong mula sa ahensyang ito.
Sa isinagawang pagpupulong ni Sec. Gatchalian sa mga director,hinikayat nito ang RDs na lagyan ng opisina ng AICS lalo na sa malalaking lalawigan at lungsod na dinadagsa ng mahihirap para lang humingi ng tulong sa ahensya upang matustusan ang pagpapagamot sa mga ospital at pambili ng medisina nila.
Ramdam ng kalihim ang pangangailangan ng kapus-palad na mga kababayan bunsod sa karanasan nito bilang kongresista at mayor ng kanyang lugar na matagal din na nagsilbi at kinalinga ang mga pobreng nasasakupan mula noon hanggang ngayon.
Kasabay din na nanawagan ng kalihim sa mga empleyado ng DSWD na bigyan ng tunay na pagmamahal ang pagsisilbi sa mahihirap na humihingi ng tulong nang walang matakbuhan sa panahon ng kagipitan.
Kaya naman tututukan din ni Gatchalian ang pagiikot sa mga center kung saan kumakanlong sa mga indibidwal na biktima ng pang-aabuso at ilang kabataang naliligaw ng landas upang mas lalo pang mapalakas ang serbisyo nito sa pag-kalinga sa kanilang karamihan ay apektado ang sikolohikal na aspeto ng pagkatao nila.
Plano ni Gatchalian na dagdagan ang social workers at iba pang eksperto sa pangangalaga ng kabataang biktima ng karahasan ang mga center katulad ng Regional Rehabilitation Center for the Youth at Reception and Study Center for Children upang lalo pang mapaigting ang pagkalinga sa kanila at mahubog pa rin bilang isang normal na tao pagdating ng araw.
MGA PROYEKTO NI JOY BELMONTE, PAWANG MAKATAO

HINDI man iyabang, subalit makikita na pawang makatao at para sa tao ang mga proyektong isinasagawa ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Katulad na lang ng programa hinggil sa mental health, mas pinalakas pa niya sa pamamagitan nang pagsasagawa ng paraan kung paano matulungan ang indibidwal na may kapansanan sa pag-iisip at maiwasan ang pagtaas ng mga kasong may kaugnayan sa mental illness.
Nagsagawa ang pamunuan ni Belmonte ng mga unang hakbang para mapalakas ang mental well-being ng mamamayan lalo na sa mga paaralan.
Kasi nga, noong panahon ng pandemic bigla ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na sinasabing may mental health illnesses bukod pa sa pagiging balisa ay marami ang nagtatangkang magpakamatay.
Nabatid pa na noong academic year 2021–2022 kung saan maraming paaralan ang sarado, may 404 kabataang mag-aaral ang nagpakamatay at may 2,147 iba pa ang nagtangkang magpakamatay.
Kaya nga sa mga pampublikong paaralan ay nag-hire ang QC government ng mental health professionals katulad ng therapists at councilors na agad kikilala sa mga paunang senyales ng sakit at mabilis na pipigilan ito.
Kaya naman bukod sa mga school interventions, nagtayo ang QC LGU ng Mental Wellness Access Hubs sa 6 na distrito sa lungsod na tumutulong sa mga taong may mental health disabilities, tulad ng pagkakaloob ng libreng prescription medicines at mayroon ditong mga espesyalista para makatulong na masolulusyunan ang anxiety at depression.