GMRC, DAPAT IBALIK?

GMRC, DAPAT IBALIK?

July 14, 2022 @ 8:00 PM 3 weeks ago


NGAYONG school year ay magbabalik sa paa-ralan ang mga mag-aaral. Marami ang nangyari sa buhay ng mga bata sa panahon ng pandemya. Sa panahon ng krisis, ano na kaya ang nangyari sa kanilang values formation? Marapat na nga kayang ibalik ang asignaturang Good Manners and Right Conduct?

Sa mga di nakakaalala o nakakaalam, ang GMRC, ay isa sa mga asignatura mula elementarya hanggang sekondarya bago pa man maipatupad ang K to 12 program. Isang pag-aaral noong taong 2018 ni G. Gabbi C. Antonio, isang guro at rehistradong guidance counselor na ang pamagat ay Counseling and Discipline Practices of Selected Basic Education Institutions, tinalakay niya ang mga dahilan ng pagiging pasaway ng ilan sa mga mag-aaral. Ang ilan ay ang kakulangan ng atensyon, komunikasyon, at suporta mula sa kanilang mga magulang. May ilang porsyento na ang mga magulang ay lubhang mga bata pa o “teen agers” kung saan ‘di pa sila handa sa reponsibi-lidad ng pagiging magulang.

Hindi likas na masama ang tao lalo na ang mga kabataan. Nagiging masama lamang sila dahil sa hindi kanais-nais na sitwasyong kinakaharap.

Hindi kagustuhan ng karamihan sa mga magulang na mapabayaan ang kanilang mga anak. Hindi rin kagustuhan ng mga kabataan na sila ay maging pasaway lalo na’t di nila ito sinasadya dahil wala pa sa wastong gulang.

Hindi rin nasisiyahan ang mga guro na makita ang kanilang mga estudyante na hindi sumusunod sa kanila at sa kani-kanyang mga magulang.

At higit sa lahat hindi rin kagustuhan ng Departamento ng Edukasyon sa ating bansa na mawala ang mga mabubuting pag-uugali ng mga kabataan.

Sa isang suliranin, ‘di nararapat ang sisihan, kundi, kinakaila-ngan ang puspusang pag-unawa sa mga sitwasyon at hanapin kung saan makakatulong ang bawat isa. Maibalik man o hindi ang asignaturang GMRC, nakasalalay sa mga magulang at mga guro ang pagtutulungan upang maiwasto ang mga ‘di kanais-nais na asal ng mga kabataan lalo na’t sila ang nagsisilbing mga gabay sa buhay.

Dapat lang na sila’y magtulungan.