GO BOYING, GLORIA, BONGBONG

GO BOYING, GLORIA, BONGBONG

February 22, 2023 @ 10:25 AM 1 month ago


TAMA lang na barahin at harangin ang International Criminal Court sa pagpipilit nito na makialam sa pamamahala natin sa sarili nating bansa at sistemang pangkatarungan.

Nangunguna sa pagbara at pagharang sa ICC sina Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Pang. Bongbong Marcos.

Dapat naman na suportahan sila ng mga mamamayan.

ICC GAMIT NA GAMIT

Gamit na gamit ang ICC ng mga kritiko na politiko at militante laban kay dating Pang. Rodrigo ‘Digong’ Duterte at iba pa.

Lalo na’t nawalan sila ng kapangyarihan sa gobyerno makaraang mamuno si Pang. Digong na pasimula ng sunod-sunod nilang pagkatalo sa mga halalan, kabilang na ang hindi malilimutang pagka-zero sa kanilang kandidatong Otso Diretso noong halalang 2019 at kandidatong Pangulo nitong 2022.

Itong mga kritiko ay ilang dekadang namayani at namunini bago at pagkatapos ng EDSA revolution ngunit walang nangyari sa lipunang Pinoy.

Sa panahon lang ni Pang. Digong nakitaan ang pasimula ng malaking pagbabago sa ating lipunan, lalo na laban sa krimen, droga at korapsyon at pagpapabaya sa mga overseas Filipino worker.

Sa kanya rin muling nagsimulang bumalik ang pagtitiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan.

At sana’y magtagumpay rin si Pang. Bongbong sa susunod na kulang-kulang na anim taong panunungkulan.

Dahil sa kabiguan nilang mabawi ang kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomiya, itong mga kritiko, eh, sa mga dayuhan sila umaasa.

At ito ngang ICC na organisasyong dayuhan ang kanilang kinakapitan at sinasandalan upang magiba nila ang mga taong alam naman ng lahat na nagpapasimula at gumagawa ng mga maganda at mabungang pagbabago sa ating bansa.

MGA BATAYANG LIGAL

Pero ang pagbara at pagharang sa ICC na gustong makialam at balewalain ang mga namamahala at pamamahala natin sa sarili nating bansa ay may mga ligal na batayan at hindi basta kapritso lamang.

May sarili tayong sistemang pangkatarungan na buhay na buhay at gumagana…mga hukuman, pulis at iba pa na pupwedeng maglitis sa sinoman, kasama si Pang. Digong at iba pa, sa loob ng ating bansa.

Ayon sa batas ng ICC, pupwede lang itong makialam kung bagsak ang sistemang pangkatarungan natin.

Gayunman, kumalas na tayo sa ICC bilang miyembro at hindi na tayong pupwedeng saklawin, manduhan at balewalain nito.

Isa pa, may sarili tayong kapangyarihang mamamahala sa ating sariling bansa bilang malaya o independiyente at hindi pupwedeng panghimasukan ng mga dayuhan at ang tawag dito’y soberenya.

Itong soberenya ng bansa ang dahilan kung bakit maging ang United States, Russia, China, Pakistan, India, Iraq, Israel at iba pa ay ayaw pasakop sa ICC.

Nauna nang nagsabi si Manong Johnny Enrile na pupwedeng ipaaresto ang sinomang taga-ICC na basta na lang pumasok sa bansa at mag-imbestiga sa giyera sa droga at nitong huli, sinabi naman ni Sec. Boying na huwag nilang gawing larong unggoy ang sistemang pangkatarungan ng Pinas.