Go: Mga karapatan ng PH sa West Philippine Sea, pinupursige ni PRRD

Go: Mga karapatan ng PH sa West Philippine Sea, pinupursige ni PRRD

March 31, 2022 @ 3:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Kasunod ng mga ulat ng patuloy na presensya ng mga Chinese vessel sa karagatan ng Pilipinas, sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na patuloy na ipaglalaban ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea hanggang sa huling araw ng kanyang termino.

“Alam niyo si Pangulo, ‘yung independent foreign policy niya eh friendly po ‘yan si Pangulo sa lahat, enemies to none,” ani Go sa isang panayam matapos bumisita sa mga biktima ng sunog sa Maharlika, Taguig City noong Martes, Marso 29.

“Pero siyempre ipinaglalaban niya po always ‘yung karapatan natin.  Kita mo nagagalit ‘yan kapag inaapi na ang ating bansa,” paniniyak ni Go.

Noong Marso 2, iniulat ng Philippine Coast Guard na isang Chinese vessel ang lumapit sa BRP Malabrigo, na nagsasagawa ng maritime patrol operation malapit sa Bajo de Masinloc.

Ang insidente ay inilarawan bilang isang “close distance maneuvering” na naglimita sa maneuvering room ng Filipino vessel.  Ito ay isang “malinaw” na paglabag sa 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea, ayon sa PCG.

Noong Marso 14, ipinatawag din ng Department of Foreign Affairs ang Chinese ambassador sa bansa upang ipaliwanag ang “illegal intrusion and lingering presence” ng isang Chinese navy ship na nakita sa labas ng Cuyo Group of Islands malapit sa Palawan, at Apo Island sa Mindoro mula Enero 29  hanggang Pebrero 1.

Samantala, hinimok ni Go ang pagpigil at nagpahayag ng pag-asa na malulutas ng mga claimant na bansa ang hidwaan sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.  Gayunpaman, binigyang-diin niya ang pangangailangan ng bansa na isulong ang mga karapatan nito sa teritoryong karagatan at espesyal na sonang pang-ekonomiya.

“So kung puwede naman pong pag-usapan… diplomatikong pamamaraan, pag-usapan na lang natin ito,” sabi ni Go.

“Pero importante pa rin ang ating… kung ano ang atin, atin po ‘yon, atin talaga ‘yon.  Ipinaglalaban natin dapat ‘yan,” dagdag niya. RNT