Go: Pag-aalis ng public health emergency, premature pa

Go: Pag-aalis ng public health emergency, premature pa

December 26, 2022 @ 3:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Dahil sa pag-usbong pa ng mga COVID-19 virus, hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na hintayin ang payo ng mga health expert bago magpasya kung aalisin o hindi ang estado ng public health emergency.

“Maaaring premature sa ngayon. Hintayin lang po natin ang pag-aaral ng ating mga health experts and I’m sure it will be based on good science,” sabi ni Go sa ambush interview matapos niyang personal na ayudahan ang mga residente ng Nabunturan, Davao de Oro.

“Lahat naman po ito, mga bagong variant, nagmu-mutate, pinag-aaralan nilang mabuti at kung dapat na bang i-lift (ang state of public health emergency),” dagdag niya.

Ayon kay Go, nasa pinakamagandang posisyon ang health authorities upang matukoy at magrekomenda kung kailan aalisin ang nasabing status.

Ang Department of Health ay nagpahayag noong Oktubre na kung matutugunan ang tatlong requirements, kabilang ang pagbaba ng mga kaso, pagtaas ng saklaw ng pagbabakuna, at pagbaba ng bilang ng mga kritikal na pumapasok sa ospital, maaari nitong irekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pag-alis ng public health emergency.

Unang inilagay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinas sa state of public emergency noong Marso 8, 2020, nang iulat ng Department of Health ang unang local COVID-19 transmission.

Ang deklarasyon ay patuloy na “in force and effect” ayon sa proklamasyon hanggang sa ito ay bawiin o alisin ng Pangulo.

Isinailalim din ng dating Pangulo ang bansa sa state of calamity noong Marso 16, 2020 sa loob ng anim na buwan.

Ang proklamasyon ay pinalawig noong Setyembre 2020 para sa isa pang taon, at pagkatapos ay pinalawig muli noong Setyembre 2021.

Ang state of calamity ay nagpapahintulot sa gobyerno na “ipagpatuloy ang pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program, dagdagan ang mga pondo sa pagtugon sa pandemya, subaybayan at kontrolin ang mga presyo ng mga pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin, at magbigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga apektadong populasyon.”

Samantala, ang state of public health emergency ay pananawagan sa publiko na sumunod sa mga plano at mekanismo ng pagtugon ng gobyerno, lalo pagdating sa paggamit ng resources upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Pinahihintulutan din nito ang gobyerno na magbigay ng mga benepisyo at public health emergency allowance sa frontliners.

Noong Agosto, pinalawig ni Marcos ang kasalukuyang mga deklarasyon ng pamahalaan bilang tugon sa pandemya ng COVID-19 para mapanatili ang mga pagsisikap na malampasan ang pandaigdigang krisis sa kalusugan at iba pang umuusbong na banta sa kalusugan.

“May advantage din po kasi ang state of health emergency, ‘yung state of calamity pwede nilang gamitin ang pondo kaagad sa pagtulong to address the COVID problem,” paliwanag ni Go.

“So, pag-aralan munang mabuti. Habang nandiyan si COVID, para sa akin, delikado pa rin po ang panahon. Ngunit kung talagang pawala na at ma-attain na natin ang herd immunity, pwede na sigurong i-lift para makabalik na rin tayo sa ating normal na pamumuhay,” pahabol ng senador. RNT