Go: Pambansang pondo gamitin nang wasto

Go: Pambansang pondo gamitin nang wasto

January 2, 2022 @ 1:12 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa ehekutibo na tiyakin na ang pambansang pondo para sa taong ito na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magagamit nang wasto sa mga pangangailangan ng bansa at ng taumbayan.

“Dapat po’y walang masayang na ni piso sa kaban ng bayan. Tiyakin nating magiging kasangkapan ang pondo ng gobyerno upang mapadali ang pagbangon ng ating bansa sa pagpasok ng bagong taon,” sabi ni Go..

“Kaya hinihimok ko po ang mga kasamahan ko sa gobyerno na gamitin nang tama ang pondong inilaan upang agarang maihatid ang serbisyo at tulong sa mga nararapat nating mga kababayan, sa ating mga mamamayan,” idiniin niya.

Ipinunto ng senador na ang pondo ay krusyal para sa ikatatagummpay ng pamahalaan sa paglaban sa pandemya at sa pagbangon ng sambayanan, lalo ang mga sinalanta ng bagyong Odette.

“Not only sa COVID response dahil ito pong mga biktima po ng Typhoon Odette, inaasahan natin dahil kulang talaga ‘yung pondo nung 2021 — ‘yung disaster fund, ‘yung calamity fund po ng national government kulang na po, P2 bilyon na lang natitira (sa 2021).”

“Kaya pagdating po ng January, pwede na hong gamitin kaagad ito para sa mga Quick Response Fund ng mga iba’t ibang ahensya, sa mga infrastructure, at makatulong rin po kaagad sa mga local government units dahil marami pong tinamaan,” ani Go.

Ang GAA 2022 ay nagtakda ng mas mataas na badyet para sa Kagawaran ng Kalusugan na itinaguyod ni Go sa mga deliberasyon ng badyet ng Senado.

“Bilang Chair po ng Senate Committee on Health, we successfully advocated budgetary support para po sa patuloy na implementasyon ng prevention, detection, isolation, treatment at reintegration strategy, urging hiring ng COVID-19 human resource for health — ‘yung hiring and training po ng mga contact tracers at mga pondo po na makakatulong po sa ating COVID response,” anang senador.

Pinagtibay ng Senate Committee on Finance ang mga rekomendasyon ni Senator Go, bukod sa iba pa, na maglaan ng pondo para sa mga programa at aktibidad na mahalaga sa pagtugon sa pandemya ng bansa, tulad ng Health Facilities Enhancement Program, kompensasyon at iba pang benepisyo ng COVID-19 Workers, COVID -19 Laboratory Network Commodities, at ang pagkuha ng COVID-19 vaccine booster shots. RNT