Go sa publiko: Magpabakuna, booster shot na

Go sa publiko: Magpabakuna, booster shot na

January 16, 2022 @ 11:11 AM 5 months ago


Ipinaalala ni Senador Christopher “Bong” Go, Chair ng Senate Committee on Health, sa publiko na magpabakuna at magpa-booster laban sa COVID-19, kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang vaccine rollout lalo na sa labas ng National Capital Region.

Sa kanyang Talk to the People address noong January 10, sinabi ng Pangulo na walang dahilan para sa mga kuwalipikadong Filipino na hindi magpabakuna dahil marami ang vaccination sites at mahigit 213 million COVID-19 vaccine doses ang idiniliver sa bansa simula noong Pebrero ng nakaraang taon.

“Hinihikayat ko po ang lahat na magpabakuna lalo na’t bukas na ang programa sa general population. Pwede na rin magpabooster ang mga qualified. Nasa datos naman na kung sino ang positibo at grabe ‘yung sintomas ay kadalasan sila ‘yung mga hindi pa bakunado,” sabi ni Go.

“Kaya ipakita natin ang malasakit sa ating mga frontliners at magpa-schedule na tayo sa pinakamalapit nating vaccination site. Huwag kayong matakot sa bakuna dahil ito ang tanging solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” apela pa ng senador.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 77 million Filipinos at makumpleto ang pagbabakuna sa mga batang 12 hanggang 17 taong gulang bago matapos ang unang quarter ng 2022. Target din ng gobyerno na kumpletong mabakunahan ang 90 million na mga Pinoy at tapusin ang booster shots ng 72.16 million individuals pagsapit ng second at third quarter.

Umaasa rin ang pamahalaan na mabakunahan ang tatlong milyong senior citizens at lahat ng natitirang hindi pa nababakunahang adults, 25 million eligible para sa boosters at mga menor de edad. Palalawakin din ang Emergency Use Authorization ng iba’t ibang vaccine brands para maisama ang iba pang menor de edad.

Samantala, magha-hire ng mga bagong vaccinator upang matiyak ang deployment ng mga doses sa buong bansa. Hinikayat din ang local government units na makipagtulungan sa pribadong sektor upang maitaas ang demand ng publiko para sa primary at booster shots.

“Importante na bakunado kayo para maiwasan niyo ang mga severe na sintomas ng sakit kung ma-infect man kayo. Kaya ‘wag kayo matakot sa bakuna. Matakot kayo sa COVID-19 dahil ito ang nakakamatay. Gaya ng sabi ng mga eksperto, if you’re not protected against COVID-19, the virus will itself find you and infect you,” babala ng senador.

Paulit-ulit ang panawagan ng pamahalaan tungkol sa pagpapabakuna, matapos sumipa muli ang mga kaso ng COVID-19, bunsod ng holiday season at pagpasok ng Omicron variant sa bansa.

At upang mapigilan ito, isinailalim ang NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal at iba pang lugar sa Alert Level 3. Nagpatupad din ng granular lockdowns ang mga LGU.

“Lagi natin alalahanin na hindi kaya ng gobyernong mag-isa ang laban kontra pandemya. Hindi rin kakayanin ng mga frontliners kung patuloy na dadami ang kailangang dalhin sa mga ospital. Preventing the spread of COVID-19 starts with us by being responsible citizens and following health and safety protocols,” sabi ni Go.

“Kaya let us remain vigilant at sumunod sa mga patakaran. Ugaliing magsuot ng mask, mag-social distancing, maghugas ng kamay at kung hindi kailangang lumabas ay manatili nalang sa bahay upang maiwasan ang hawaan ng sakit. Magtulungan tayo para hindi bumagsak ang ating healthcare system habang binabalanse natin na pasiglahin muli ang ating ekonomiya,” dagdag pa niya. RNT