Gobyerno ‘di titigil sa pagtulong sa mga Pinoy hangga’t ‘di na nito kailangan – PBBM

Gobyerno ‘di titigil sa pagtulong sa mga Pinoy hangga’t ‘di na nito kailangan – PBBM

February 28, 2023 @ 9:26 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – PATULOY na makatatanggap ng tulong mula sa gobyerno ang mga Pilipinong nangangailangan hangga’t hindi na kailanganin ng mga ito ang tulong ng pamahalaan.

“Itong ating pinamimigay ay tuloy tuloy pa rin hanggang dumating na yung araw—sana malapit na— na hindi na kailangan ang tulong ng pamahalaan dahil kayo na ay may trabaho, kayo na ay may magandang tinitirhan,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mamamayan ng Mandaue City.

Pinangunahan kasi ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng iba’t ibang government assistance sa mahigit na 3,000 benepisaryo sa lungsod.

Sinabi pa niya na ang personal na pagbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo sa lungsod ay paraan niya upang pasalamatan ang mga ito sa kanilang suporta at tulong noong panahon ng eleksyon kung saan siya ay nanalo.

“Hindi po kami titigil. Hindi ko po makalimutan ang init ng iyong pagsuporta. Hindi ko makalimutan kaya’t lagi kong iniisip the support and the affection that I receive from you, I have to pay back and if it takes the rest of my life, I will happily spend the rest of my life paying it back to you,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Winika pa nito na habang ang pandemya ay hindi na itinuturing na “biggest concern” sa bansa ngayon, batid naman ng Pangulo na ang kahirapan ang nananatiling “pressing concern” ng mga Filipino.

Sa kabilang dako, tinatayang may 600 recipients ang nakatanggap ng P5,000 kada isa at family food packs sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mayroon namang tatlong kooperatiba ang binigyan ng livelihood grants na nagkakahalaga ng P3.65 milyong sa ilalim ng Department of Labor and Employment’s (DOLE) Integrated Livelihood Program.

Namahagi rin ang Department of Labor ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P4,350 kada isa sa 2,257 benepisaryo, o may kabuuang P9.8 milyon sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) nito.

Ang mga buto at equipment o kagamitan na nagkakahalaga ng P109 milyon ay ibinigay sa Provincial Government of Cebu, maliban pa sa P1.08 milyon sa ilalim ng Corn Banner Program nito sa asosasyon o samahan ng mga magsasaka sa lalawigan.

Idagdag pa, tinurn over naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang livelihood at financial assistance na nagkakahalaga ng P8,000 sa 20 recipients. Kris Jose