Gobyerno, handang babaan ang taripa sa mga pagkain

Gobyerno, handang babaan ang taripa sa mga pagkain

August 11, 2018 @ 5:54 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Handa ang pamahalaan na babaan ang taripa sa mga pagkain huwag lamang tuluyang tanggalin para magkaroon ng balanse sa interes ng mga konsumer at ng mga magsasaka.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque,  kabilang pa sa hakbang na ginawa ng gobyerno para maibaba ang presyo ng ilang bilihin ay ang pagpapairal ng suggested retail price (SRP) sa mga pagkain o agricultural products.

Sinabi ni Sec. Roque na  hindi  nila tuluyang isinasantabi ang mga panukalang pagpapababa ng ipinapataw na taripa sa mga produkto partikular sa pagkain.

Resulta aniya ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pinangangambahan pang sisipa o tataas ang inflation rate hanggang 6 porsyento.

Nauna ng ipinanukala sa Kamara ang pagpataw ng “zero-tariff” sa ilang produktong agrikultura gaya ng karne, isda, mais, trigo at gulay pero tinanggihan ng mga economic managers dahil sa masamang epekto raw nito sa mga local producers.

Sinasabing nakapasok na rin ang inangkat na mas murang produktong petrolyo sa Russia na makakatulong para bumaba rin ang presyo ng mga produktong umaasa sa diesel o gasolina. (Kris Jose)