Gobyerno kailangan na mag-angkat sa inflation – Zubiri

Gobyerno kailangan na mag-angkat sa inflation – Zubiri

January 11, 2023 @ 6:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Naiintindihan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang gobyerno kung bakit kailangang mag-angkat ng produkto sa ibang bansa.

Sa Kapihan sa Manila Bay, ipinaliwanag ni Zubiri na ito ay dahil sa pagtaas ng inflation rate at mataas na halaga ng mga locally-produced product sa bansa.

Aniya, wala nang magagawa ang gobyerno sa pagtaas ng inflation rate at hindi rin maiiwasan na gawan ng solusyon ng pamahalaan para mapababa ang inflation rate kaya’t isa sa nakikita na paraan ang importasyon.

Inihalimbawa ng senador ang isyu sa patuloy na pagtaas ng sibuyas kung saan dahil dito ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-angkat ng 21,060 metriko tonelada ng sibuyas ng Department of Agri­culture (DA).

Ito’y para punan ang kakulangang sa suplay at mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng sibuyas sa pamilihan.

Giit ng senador, pangunahing layunin ay makontrol ang inflation rate dahil labis na apektado rito ang taumbayan gayundin ang mga samahan sa sektor ng agrikultura.

Pero aniya dapat ay manguna sila na tumulong sa gobyerno at dapat gumawa ng paraan ang magkabilang partido para mapababa ang presyo ng sibuyas.

Paliwag pa ng Senate President, tila nagkakaroon ng price manipulation pagdating sa usapin ng sibuyas kung saan dapat itong mapigilan lalo na’t umaabot na sa ibang bansa ang balita hinggil sa mataas na bentahan ng sibuyas sa pilipinas.

Kaugnay nito, sisilipin ni Sen. Zubiri ang dahilan kung saan o sino ang may mali o kasalanan kung bakit hindi bumababa ang presyo ng sibuyas kahit pa iginigiit ng ibang mga magsasaka na sapat naman ang suplay nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden