Gobyerno kinalampag ng mga magsasaka sa bigong agrarian reform

Gobyerno kinalampag ng mga magsasaka sa bigong agrarian reform

March 28, 2022 @ 5:25 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Kinalampag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pamahalaan para igiit ang tunay na repormang agraryo sa kanayunan at binatikos ang programa ng Department of Agrarian Reform (DAR) na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil nabigo umano ito para mabigyan ng lupa ang mga magsasaka.

Ayon kay KMP Chairperson Danilo Ramos naninindigan ang mga magsasaka na nabigo ang programa ng DAR na CARP para sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka dahil hindi naman napasakamay ng mga magsasaka ang kanilang mga lupa.

Sa telephone interview sinabi ni Ramos na hindi nagkaroon ng tunay na repormang agraryo para sa mga magsasaka at binigay na halimbawa nito ang patuloy na pagmamay-ari ng malalaking  lupa  ng mga panginoong maylupa.

Sinabi pa ng lider ng KMP na isang halimbawa nito ang pagkabigo ng reporma sa lupa na ipinatupad ng pamahalaan sa Timog Katagalugan (Southern Tagalog Region) at sa Hacienda Luisita.

“Kundi naisanla ang lupa ng magsasaka napasa kamay ito sa mga malalaking panginoong maylupa” ayon pa kay Ramos.

Sinabi pa ni Ramos na ang pagkabigo ng repormang agraryo ay buhay na matatagpuan sa Timog Katagalugan na ang ilang mga lupa ay napasa kamay ng mga malalaking korporasyon  at nakuha ng mga panginoong maylupa.

“90 percent ng total agricultural land sa Hacienda Luisita ay nakasangla at naibenta na ang lupa” ayon pa kay Ramos.

Idinagdag pa ni Ramos na hindi na dapat ipagpatuloy ng DAR  ang CARP matapos magtapos ang programa nito nitong June 30, 2014  at sinabing matagal ng “patay” ang CARP at nailibing na.

“Ang dapat ng isulong at ipatupad ng DAR ay ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na magtitiyak ng tunay na repormang agraryo ani pa ni Ramos.

Sinikap naman ng sumulat na makuha ang panig ng Department of Agrarian Reform (DAR) hinggil sa pahayag ng KMP subalit nabigo ang sumulat na makuha ang panig ng DAR. Santi Celario