Gobyerno magtatayo ng maraming housing project para sa Taal bakwit

Gobyerno magtatayo ng maraming housing project para sa Taal bakwit

January 20, 2022 @ 9:17 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Target ng pamahalaan ang marami pang resettlement housing projects para sa mga biktima ng Taal volcano eruption sa lalawigan ng Batangas.

Ito ay matapos lagdaan ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Eduardo del Rosario ang memorandum of agreement (MOA) kasama si San Nicolas Mayor Lester de Sagun sa nakalipas na linggo para sa land acquisition deal na magbibigay-daan para sa pagtatayo ng resettlement site sa munisipalidad ng San Nicolas, Batangas.

Si Del Rosario ay palaging bumibisita sa nasabing lalawigan para sa serye ng assessments at inspections.

Sa kanyang naging pagbisita, nangako si Del Rosario na tutulungan ang mga munisipalidad na apektado ng pagputok ng Taal , kabilang na rito ang recovery programs para sa mga residente at pagpa-plano ng mitigation measures para sa “future volcano eruptions.”

“I admire Mayor Lester’s boldness in standing up for his people despite initial objections due to some protocols that we have to follow. After thorough deliberation with the administrator of the Office of Civil Defense, we finally reached an agreement. Hence, this MOA came into fruition,” ayon kay Del Rosario sa isang kalatas.

“Based on the DHSUD’s reevaluation, the municipality of San Nicolas does not pose any other locational hazards, despite being located within the 14-kilometer radius of the Taal volcano, making it safe to construct a relocation site within the area,” aniya pa rin.

Sa ilalim ng kasunduan, pangungunahan ng DHSUD Regional Office 4-A (Calabarzon) ang implementasyon sa pakikipagtulungan sa Housing and Real Estate Development Regulation Bureau, sa pamamagitan ng “incentivized compliance” para itulak ang balanseng housing program.

Dahil dito, puntirya ng pamahalaan na magtayo ng housing project sa Barangay Maabud North, San Nicolas para sa mga residente na malapit sa danger zones.

“I can assure San Nicolas that this is just the beginning of DHSUD’s presence in your area. We will walk with you through the process until we complete this project and provide quality shelters, especially to those in need,” ani Del Rosario.

Nauna rito, sinelyuhan ng DHSUD ang commitment agreement na naglalayong magbigay ng P30 milyon sa iba’t ibang local government units sa Batangas province na maaaring gamitin para tulungan ang kani-kanilang mga constituents na apektado ng Taal Volcano eruption noong Enero 2020.

Ang inisyatibang ito ay bahagi ng mandato ng Taal Shelter Task Force at pagsisikap na makapagbigay ng “safer, adaptive, and disaster-resilient housing units” sa mga indibiduwal na ang buhay ay labis na naapektuhan ng pagputok ng bulkan. Kris Jose