Gobyerno makipagtulungan sa pribadong sektor sa bivalent vax – Concepcion

Gobyerno makipagtulungan sa pribadong sektor sa bivalent vax – Concepcion

December 23, 2022 @ 9:49 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng grupo ng mga health experts ang pamahalaan na makipagtulungan ito sa mga pribadong ospital sa pagbili at pamamahagi ng bivalent COVID-19 vaccine.

Ito ang ibinahaging suhestyon ng Members of the Advisory Council of Experts (ACE) na pinangungunahan ni Go Negosyo founder Joey Concepcion nang tanungin kung paano maipagpapatuloy ng pamahalaan ang kampanya nito sa pagbibigay ng bivalent vaccines sa publiko.

Ang suhestyon na ito ay nauna nang ipinadala ni Concepcion sa Department of Health (DOH) mula sa pinagsama-samang rekomendasyon ng mga miyembro ng ACE na binubuo ng mga eksperto sa medisina, public health epidemiology, economics, research, at data analytics.

“We remain the government’s ally in its vaccination efforts,” ani Concepcion.

Kabilang sa mga rekomendasyong ito ang pagpasok ng mga pribadong ospital at iba pang healthcare facilities sa kasunduan upang makabili ng bivalent vaccines.

Maaari din itong maibenta at maipamahagi ng mga healthcare professionals bilang bahagi ng corporate social responsibility efforts ng mga ospital.

Sa naturang suhestyon, maaari rin na payagan ang sinuman na makatanggap ng bakunang ito kontra COVID-19 dahil maaaring isagawa ito labas sa priority-queueing system na ginawa sa nagdaang vaccination efforts ng pamahalaan.

Kaugnay nito, nagpahayag na ng suporta ang mga ospital na nasa ilalim ng Metro Pacific group sa planong pagbili ng mga bakuna at sa pagbebenta nito. RNT/JGC