Gobyerno, ready sa epekto ng Tariff Bill sa mga magsasaka

Gobyerno, ready sa epekto ng Tariff Bill sa mga magsasaka

August 3, 2018 @ 2:31 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nangagamba ang National Food Authority (NFA) na  maaapektuhan ang mga magsasaka sa bansa sakaling maipasa ang Tariffication Bill kung saan papayagan ang mga private seller na mag-angkat ng bigas sa ibang bansa.

Ayon sa NFA, natatakot ang mga rice farmer na bababa na ang presyo ng palay dahil sa pagdami ng supply ng bigas.

Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, sinabi ng mga economic managers ng bansa na hindi naman malulugi ang mga magsasakang Pinoy dahil hindi naman napakarami ang papayagang aangkating bigas.

Ngunit kahit may papasok na bigas, may ibibigay namang insentibo ang pamahalaan sa mga magsasaka para matulungan ang mga ito sakaling maipasa ang Tariffication Bill.

Patuloy na hinihimay sa Kamara de Representantes ang naturang panukalang batas kahit paulit-ulit silang kinakalampag ng Department of Finance (DoF) na ipasa sa lalong madaling panahon ang Rice Tariffication Bill.

Layon ng Tariffication Bill  na maibaba ang inflation rate sa bansa lalo ang presyo ng bigas kaya sinabi ni Finance Undersecretary Tony Lambino na bababa man ng hanggang P7 kada kilo ang presyo ng bigas ay bibigyan naman ng pondong pantulong sa mga magsasaka.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay isinusulong ito sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) dahil kung maisasabatas ito ay matatanggal na ang limitasyon ng aangkating bigas kada taon.

Magugunitang ipinaiiral sa lumang batas ang quantitative restrictions (QR) para mapigilan ang pagbaha ng murang bigas upang maproteksyunan ang mga magsasaka.

Kinokontra naman ito ng isang consumer group dahil posible umanong sasamantalahin ito ng mga rice smugglers at cartel.  (Nenet L. Villafania)