GOCCs pwedeng hugutan ng pondo sa dagdag-pensyon ng seniors-solon

GOCCs pwedeng hugutan ng pondo sa dagdag-pensyon ng seniors-solon

August 23, 2022 @ 10:58 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Matapos sabihin ng Department of Budget and Management(DBM) na hindi kasama sa inihain nilang 2023 proposed budget ang P25B na dagdag pensyon sa mga senior citizens, ipinapanukala ngayon ni Surigao del Sur Rep Johnny Pimentel na ang mga Government Owned and Controlled Corporation(GOCCs) ang maaaring paghugutan ng pondo para rito.

Sinabi ni Pimentel kakayanin ng mga GOCC na pondohan ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 11916 na nagtataas sa P1,000 na buwanang pensyon ng mga senior citizens na dati ay P500.

Katwiran ni Pimentel tuloy-tuloy na ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic kaya tiyak na tataas din ang kita at cash dividends ng mga GOCC.

Kabilang sa tinukoy ni Pimentel na mga GOCC ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Philippine Deposit Insurance Corp., PAGCOR, PCSO, Manila International Airport Authority at iba pa.

Ipinaliwanag ng mambabatas na maaaring atasan ng Malakanyang ang mga GOCC na magbayad ng mas mataas na dividend rate na hanggang 75% alinsunod sa Republic Act 7656 para makakuha ng dagdag pondo, aniya nitong 2021 ay umaabot na sa P57.55 billion ang na-remit na cash dividends ng GOCC at inaasahang mas mataas ngayong 2022 kung saan unti unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa bansa.

Sinabi ni Pimentel na kailangang gawan ng paraan at paglaanan ng pondo ng pamahalaan ang dagdag pension dahil naisabatas na ito bukod pa sa nangangamba ito na kung hindi maibibigay agad ang dagdag pensyon ay mas maraming senior citizens ang maapektuhan. Gail Mendoza