Gold medal target ng Malditas sa SEA Games

Gold medal target ng Malditas sa SEA Games

February 2, 2022 @ 2:32 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Halos tatlong buwan bago ang paparating na 31st Southeast Asian Games sa Vietnam, umaasa ang Philippine Football Federation (PFF)  sa ang torneo ay magiging bahagi ng paghahanda ng Philippine women’s national team na Malditas para sa pagsabak sa FIFA Women’s World Cup.

Ayon kay PFF president Mariano “Nonong” Araneta, ang roster ay depende sa availability ng bawat manlalaro, ang football association ay magbibigay-diin sa kahalagahan ng biennial meet sa paghahanda sa World Cup.

“We will make it a point to the players na this will be a part of the preparation for the World Cup, and I think lahat ng players diyan are willing to sacrifice again for another 15 months just to play in the biggest spectacle in women’s. football,” sabi ni Araneta.

“We’re willing to compensate them, kasi issue sa mga nagtatrabaho, we’re willing to compensate them just to be with the team,” dagdag nito.  “Di na biro ang mga kalaban mo doon.”

Pagkatapos ng women’s team’s stint sa nagpapatuloy na AFC Women’s Asian Cup, sinabi ni Araneta na magpapatuloy ang pagsasanay hanggang sa susunod na taon, kung saan ang FIFA Women’s World Cup ay nakatakda sa Hulyo 20-Agosto 20, 2023 sa Australia at New Zealand.

“Dapat talaga tayong maging handa at sa SEA Games, kakaharapin din natin ang Thailand, Vietnam, Myanmar, na mas mataas ang ranggo sa atin at magiging magandang gauge kung paano tayo uusad,” ayon pa kay  Araneta.

Ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa no. 64 sa world rankings, habang ang Vietnam ay nasa pinakamataas na ranggo sa mga bansa sa Southeast Asia sa no. 32. Ang Thailand ay nasa no. 38 habang ang Myanmar ay nasa no. 47.

Kapag naging matagumpay na sila sa pagkumbinsi sa mga manlalaro na bumalik, sinabi ni Araneta na sana ay maging makasaysayan din ang SEA Games para sa koponan.

“We’ll tell them na wala pa tayong gold ever since. Sana maging history din ito sa SEA Games. Dapat sabihin natin ‘yun,” he said.

Sa women’s football, ang Pilipinas ay nagtapos lamang sa podium noong 1985 edition ng regional meet kung saan nakuha nito ang bronze medal.

Ang Southeast Asian Games ay gaganapin mula Mayo 12-23 sa Hanoi, Vietnam.JC