Good Conduct sa mga preso ‘di pwede sa heinous crimes convict – Duterte

Good Conduct sa mga preso ‘di pwede sa heinous crimes convict – Duterte

March 2, 2023 @ 11:33 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Ang pagbawas ng prison time sa ilalim ng Good Conduct ay hindi para sa mga convicted sa karumal-dumal na krimen.

Ito ang nakapaloob sa House Bill 4649 na inihain ni Davao Rep. Paolo Duterte na naglalayong amyendahan ang “loopholes” sa Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Ang GCTA ay naisabatas noong 2013, itinaas nito ang puntos na maaaring makuha ng mga persons deprived of liberty (PDLs) para sa ipinakikita nilang magandang asal sa loob ng kulungan, kapalit ng good conduct ay nababawasan ang kanilang sintensya at maaaring maagang mapalaya.

Noong 2019 ay nakitang naabuso ito ng may 2,000 preso na convicted sa karumal dumal na krimen matapos silang mabigyan ng GCTA at nakalaya.

Naging kontrobersiyal ito nang iutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang mga convicts sa kulungan dahil sa maling pagpapatupad ng GCTA.

Sinabi ni Duterte na maganda ang intensyon ng GCTA subalit dapat lamang itong ibigay sa mga karapat-dapat.

Giit ng solon na upang hindi na maulit ang kontrobersiya noong 2019 ukol sa pag-iimplementa ng GCTA ay dapat isabatas ang HB 4649.

“While the GCTA law promotes rehabilitation and restorative justice, it should explicitly exclude those convicted of heinous crimes,” pagtatapos pa ni Duterte.

Ang mga heinous crimes sa ilalim ng batas ay kinabibilagan ng treason, piracy, munity, qualified piracy, qualified bribery, parricide, murder, infanticide, kidnapping, serious illegal detention, robbery with violence against or intimidation of persons, destructive arson, rape, importation, distribution, manufacturing at possession ng illegal drugs. Gail Mendoza