GOOD NEWS BITBIT NG PANGULO MULA SA SAUDI

GOOD NEWS BITBIT NG PANGULO MULA SA SAUDI

November 21, 2022 @ 11:50 AM 2 weeks ago


HINDI galing sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) si Pangulong Bongbong Marcos kundi sa Thailand ngunit may malaki siyang bitbit na balita para sa mga overseas Filipino worker galing ng KSA.

Nagkita kasi nang personal sina Pang. Bongbong at ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman at napag-usapan nila ang relasyon ng Pilipinas at ng KSA.

Parehong dumalo ang dalawa sa Asia-Pacific Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.

Nang magkadaupang palad na ang dalawa, akala ba nating may dalang regalo pala si Crown Prince Mohammed kay Pang. Bongbong ngunit hindi para sa kanya kundi para sa libo-libong OFW na naligwakan ng trabaho habang nasa Saudi ang mga ito, lalo na noong kasagsagan ng pandemya!

10 LIBONG OFW ANG BIKTIMA

Umabot sa 10,000 OFW ang nawalan ng trabaho nang magsisarahan ang mga kompanyang kanilang pinapasukan dahil sa pagkalugi o pansamantalang pagsasara ng mga kompanya dulot ng COVID-19.

Kabilang sa mga kompanyang binanggit ng Prinsipe na nagsara ang Saudi OGer, MMG, the Bin Laden group at iba pa.

Kaya grabeng paghihirap ang dinanas ng mga obrero, lalo na ang mga nasa konstraksyon at imprasktraktura.

Gutom, pagpapalayas sa tinitirhan, kawalan ng maipadala sa mga pamilya, pamamalimos, pagkalkal ng basura para may makain lang ang kabilang sa mga naranasan ng mga OFW.

May ilan ding nakagawa ng krimen at nabilanggo dahil sa kagipitan.

Marami, daan-daan, libo-libo ang naiuuwing OFW ng ating pamahalaan sa mga panahong ito at dinatnan nilang nabubuhay rin sa hirap ang kanilang mga pamilya.

Naapektuhan maging ang pag-aaral ng mga bata at swerteng nakalipat sa mga pampublikong paaralan ang mga ito ngunit naiwang nabulid sa kahirapan ang mga nagkasakit na miyembro ng pamilya

Hindi rin naging madali ang paghahanap ng trabaho para sa kanila nang narito na sila sa mahal kong Pinas dahil din sa pagsasara ng maraming negosyo.

At ang masaklap sa ilan, pinag-iiwanan ng kani-kanilang mga mahal sa buhay para sumama sa mga inakalang makapagbibigay sa kanila ng ginhawa o dugtong sa buhay.

At nagkaroon pa ng mga pagbabago ng mga patakaran sa empleyo gaya ng pagtataas ng edad ng mga kababaihang nagnanais na mamasukang kasambahay at ng pagbabawal sa mga ito na bumalik sa trabaho dahil sa mga krimeng ginagawa sa kanila ng mga salbaheng employer.

P30.5 BILYONG AYUDA

Nasa P30.5 bilyon ang katumbas ng nasa 2 bilyong Saudi riyal ang ibibigay ng Saudi Crown Prince para sa mga nadiskarilan ng trabaho.

Anomang araw, magsimula nang lalakad ang ayuda papunta sa atin o mismo sa mga OFW na benepisyaryo ng ayuda.

Hindi utang ‘yan, ha, mga brad kundi ayuda.

Kung matatanggap ng mga OFW ang nasabing halaga, sana hahantong sa talagang maayos o mabuting bagay ito.

HUWAG PAGNANAKAWIN

Ang isang dapat bantayan din ay ang maruruming kamay na sasawsaw sa napakalaking halaga ng ayuda.

Tiyak na may mababalitaan tayo na magsasamantala sa ayuda.

Karaniwang nanggagaling ang mga mapagsamantala mula mismo sa hanay ng mga nasa pamahalaan.

Dapat na makialam mismo si Pang. Bongbong sa pagpaparating at pamamahagi ng ayuda upang matiyak na walang anomang kaaliwaswasang magaganap dito.