GOOD NEWS PARA SA BRGY. HEALTH WORKERS

GOOD NEWS PARA SA BRGY. HEALTH WORKERS

December 14, 2022 @ 1:39 AM 2 months ago


TILA wala ni sinomang kumontra sa panukalang batas sa Kamara na ituring nang regular na empleyado ng pamahalaan ang mga barangay health worker at konektado na sa pambansang sistemang pangkalusugan at hindi basta pambarangay lamang.

Sa House Bill o panukalang batas na 6557 na inaprubahan na sa third reading, 258 na boto ang ibinuhos dito at sinasabing unanimous o walang kumontra.

Ang gusto lang nating makita, mga Bro, ay ang aksyon naman ng Senado at hihintayin natin ito.

Kung wala kasing katumbas na panukala ang Senado, walang mangyayari rito.

ILANG NILALAMAN NG HB 6557

Nais ng panukala na magkaroon ng regular na P3,000 allowance ang mga barangay health worker bawat buwan.

Pero kailangan muna silang magparehistro sa city o municipal health board na maglalabas naman ng sertipikasyon na sila’y mga health worker nga sa barangay na sakop ng kanilang bayan.

Kapag nakaabot na ng limang taon ang kanilang panunungkulan, maituturing na silang first degree civil service eligible.

Kaugnay nito, magbibigay sa kanila ang Government Service Insurance Service ng accredited na insurance service ngunit ang lokal na pamahalaan ang magbabayad para sa kanila.

At alam ba ninyong inuutusan ng batas ang Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority ng mga training na kailangan ng mga ito?

Higit pa, nangangahulugan na kung kulang ang edukasyon ng mga ito, pupwede silang mag-aral hanggang sa kolehiyo at magtapos ng apat na taong kurso.

Magkakaroon pa ang mga ito ng ibang mga benepisyo gaya ng one-time retirement cash incentive, health benefits, vacation at maternity leaves at cash gifts.

42,046 BARANGAY

May 42,046 barangay sa buong bansa.

Kung magkakaroon ng sertipikadong barangay health worker ang bawat barangay, malaking pwersa sila na katulong ng pamahalaan para sa pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan.

Kapag sertipikado na sila, hindi na sila basta volunteer o alanganin ang katatayuan.

Hindi rin sila basta sipa-sipain tuwing magpapalit ang mga namumuno sa mga barangay at papalitan sila ng mga sariling kamag-anak ng mga politiko.

‘Yun bang === magiging regular silang mga empleyado ng barangay.

Ipagdasal nating mabubuo at mapatatag nang husto ang panukala.

Kalampagin nating ang Senado na kumilos para sa madaling panahon, maipasa ang panukala.

AAPRUBAHAN NI PBBM ‘YAN

Wala akong duda na kapag nabuo ang panukala bilang panukalang batas at maisumite sa opisina ni Pangulong Bongbong Marcos, aaprubahan niya agad ‘yan.

Tatandaan natin, kabilang sa mga pinakamahalaga na inaalagaan ni Pangulong Bongbong ang kalusugan nating lahat.

At magsisimula sa pagpapawis ng mga barangay health worker ang lahat.

O ayaw mo pang maging barangay health worker?

Aba, mag-aplay na kayo at magkaroon ng mga tungkulin bilang tagaturo, tagabalita, coordinator, record keeper at tagapangalaga ng kalusugan ng mga kabarangay.