GOOD NEWS: TSINA, OK SA 60-40 SA WPS

GOOD NEWS: TSINA, OK SA 60-40 SA WPS

August 3, 2018 @ 7:36 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Maganda para sa Pilipinas ang ibinalita Department of Foreign Affairs na makikipag-partner ang bansang Tsina sa Pilipinas sa pagtuklas at pagmina ng langis at natural gas sa West Philippine Sea.

Sakaling magkatotoo ito, 60 porsyento ang para sa Pilipinas at 40% ang para sa Tsina ang hatian sa yaman dito.

Tama lang ito sa itinatakda ng ating Konstitusyon na 60% ang para sa mga Filipino at 40% para sa mga dayuhan ang pagmamay-ari sa mga itinatatag na kompanya sa Pilipinas at nangangahulugan nito na pati pakinabang ay gayundin ang hatian.

PAGKILALA SA PINAS

Muli, sakaling magkatotoo ang panimulang kasunduang ito ng Pilipinas at Tsina, inilalarawan nito ang pagkilala ng Tsina sa karapatan ng Pinas sa WPS bilang sakop ng 200-mile Exclusive Economic Zone nito.

Bagama’t hindi maituturing na pormal na teritoryo ng Pinas ang WPS dahil ang tunay na teritoryo ay 12 nautical miles o 22.22 kilometro mula sa dalampasigan natin sa oras ng low tide, ang pagkilala ng Tsina sa karapatan natin sa WPS ay malaking bagay at pabor na pabor sa atin, maging ang pakinabang, inuulit natin, sa mga kayamanang matatagpuan sa lugar.

At napakaimportante ito lalo’t sa inilatag na 9 dash line ng Tsina na sinasabi nitong sakop ng kanyang teritoryo, hagip dito ang WPS.

Sakali ngang matutuloy ang kasunduan, masasabi nating lumambot ang Tsina sa Pilipinas at maaaring bunga ito ng pakikipagkaibigan natin sa Tsina na sinimulan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

20 TAONG GAS, LANGIS

Tinatayang kayang suplayan ng minang langis at natural gas sa WPS ang buong Pilipinas sa loob ng 20 taon.

Ganito kalaki ang likas na yaman sa WPS na dapat na kalkalin para mapakinabangan ng lahat.

Sakaling matuloy ang pinagsanib na lakas ng Pinas at Tsina sa pagmimina rito, masasabi bang mababawasan din ang pakinabang ng mga Filipino rito?

Tiyak na magaganap ito dahil nga sa hatiang 60-40 ngunit normal na sitwasyon ito dahil may share nga ang Tsina.

Ang isang isipin natin ay ang Tsina ang may mga teknolohiya, gamit at pinansya upang iahon ang mga kayamanan sa WPS na hindi natin basta magawa kung tayo-tayo lang.

ANG MALAMPAYA

Nakikita ang pagmamalabis ng mga may-ari at may kontrol at mga opisyal ng pamahalaan sa Malampaya Natural Gas sa Palawan.

Akalain ba nating 10 porsyento lang ang pag-aari ng Pilipinas sa likas na yamang ito at ang 90 porsyento ay pinaghatian ng Shell at Chevron.

Puno rin ng nakawan ang Malampaya fund sa nakaraang mga administrasyon na hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa ng ating Kongreso at mga hukuman.

Nagpipiyesta ang mga may-ari at may kontrol, maging ang mga opisyal ng pamahalaan sa napakalaking salapi mula sa Malampaya.

Ngunit ang pangako ng murang kuryente para sana sa kapakinabangan ng sambayanan ay hindi lang nakapako kundi ganap na nakalimutan na.

Ang problema?

Kakaunti ang share o bahagi ng Pinas dito at taliwas sa sinasabi ni Pangulong Digong na ang higit na dapat sanang makinabang ay ang buong bayan at hindi ang iilan.

Inaasahan nating babaligtarin ng Pangulo ang ganitong sitwasyon.

NAGPIPIYESTA

May kontrol ang Tsina sa mga kayamanan nito at hindi nito hinahayaang makapagsamantala ang mga pribadong kompanyang lokal at dayuhan sa kanilang mga likas na yaman.

Bitay ang inaabot ng mga opisyal at may-ari ng mga pribadong kompanya at opisyal ng pamahalaan kung magmamalabis ang mga ito sa pag-angkin at pagpapayaman sa kanilang mga likas na yaman.

Ang tanong: Magagawa rin ba natin ito?

PANGINGISDA

Tiyak namang luluwag din ang pangingisda ng ating mga mangingisda sa karagatan sakaling matuloy at maging mabunga ang pag-uusap para sa pagkuha ng pakinabang sa nasabing karagatan.

Maaaring mabawasan o ganap na mawala ang mga pagsasamantala ng mga dayuhan sa huli at kita ng mga mangingisda dahil magkakaroon na ng aktibong partisipasyon ng pamahalaang Pilipinas sa pamamahala sa lugar na ito.

At dito magkakaroon ang Pilipinas ng higit na karapatang ipaglaban ang mga karapatan ng ating mga mangingisda.

SITSIT

Maraming sitsit ang mga kritiko ng administrasyong Duterte rito.

Kesyo mali umano na Tsina ang partner natin sa pagkalkal at pagdebelop ng mga likas na yaman sa WPS.

Anak ng tokwa, nangangahulugan lang na may ibang mga dayuhan na minamanok at gustong ka-partner ng mga kritiko.

Ang gusto ba nila ay ang sistemang Malampaya na halos hindi mapakinabangan ng nakararami kundi iilang kompanya at iilan ding mga opisyal ng gobyerno at mga partner nilang negosyante lamang?

Ito ang mahirap sa mga ipokrito na matagal nang nagsasamantala sa yaman ng bansa at sadyang lumilimot sa kapakanan ng higit na nakararami.

oOo

Anomang reaksiyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa [email protected] – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA