GOODBYE, COVID-19, PERO MAG-INGAT PA RIN LAHAT

GOODBYE, COVID-19, PERO MAG-INGAT PA RIN LAHAT

September 19, 2022 @ 5:31 PM 2 weeks ago


PAREHO ang World Health Organization at ang ating Department of Health sa pagsasabing malapit nang matapos ang pandemyang nilikha ng coronavirus disease-19.

Ngunit pareho rin ang WHO at DOH sa pagsasabing mag-ingat pa rin tayo nang todo laban sa nakasasakit at nakamamatay na COVID-19.
Ito’y dahil wala pang makapagsasabi kung kailan talaga magwawakas ito.

Kaya naman, naririyan pa rin ang pagpapairal ng mga batayang patakaran sa pagsusuot ng face mask, social distancing at iba pa.

Sa pinakahuling balita mula sa DOH at sa Palasyo, sapilitan pa rin ang pagsusuot ng face mask sa loob ng mga opisina ng gobyerno, gayundin sa mga lugar na sarado at pinagkukumpulan ng mga tao gaya ng mga mall at pampublikong sasakyan.

Hindi na nga lang sapilitan ang pagsusuot ng face mask sa mga open space gaya ng mga labas ng bahay at lansangan.

Ang mga senior citizen at may maseselang kalagayang pangkalusugan, hinihikayat silang magsuot ng face mask.

Hindi naman kasi kaila sa lahat na may pabugso-bugsong pagdami ng mga nagkakasakit at namamatay dahil sa COVID-19.

Gayundin na dalhin natin ang ating mga sarili, kaibigan at kapitbahay sa mga bakunahan o boosteran laban sa nasabing sakit.

Ang bakuna kasi ang pinakamahalagang pananggalang natin laban sa sakit at kakambal nito ang mga batayang patakaran, kasama na ang pagsusuot ng face mask at social distancing.

BASURA AT ANG BAON SA ESKWELA

Marami na ang eskwelang nagpapairal ng face-to-face sa klase, pampubliko man o pribado.

Pero alam ba ninyong ang pagpasok ng mga bata ay kakambal ng pagdami ng mga basurang itinapon na lamang sa kung saan-saan gaya ng mga ilog at sapa?

Heto ang kwento, mga Bro.

Laganap pa rin ang kahirapan sa bansa bagama’t ginagawa lahat ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos na iangat sa kaginhawaan ang kalagayan ng lahat.

At kabilang sa iniaangat, katulong si Vice President at Department of Education Secretay Inday Sara, ang mga batang mag-aaral.

Dahil sa pagpasok ng mahihirap na bata mula sa mahihirap na pamilya sa iskul, nag-iikot ang mga ito sa kanilang mga kapitbahay para kumuha ng mga basura kapalit ng piso o higit pang halaga.

Pero sa pagsubaybay natin sa mga ito, anak ng tokwa, pagkakuha ng mga basura, dinidiretsong itapon ang mga ito sa mga drainage, kanal, sapa at ilog.

Kaya naman, matindi pa rin ang mga basurang kinakalkal ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Naririyan ang mga plastic at iba pang basura, kasama ang mga nakalalasong kemikal na nakakalat kahit saan.

Kasama sa mga basura ang napulot o nakalkal sa baybayin ng Manila Bay sa araw ng International Coastal Cleanup Day.

Nagpapasalamat tayo sa lahat ng nakilahok sa nasabing gawain bilang tanda ng pagiging malinis natin sa kapaligiran.

Sana naman, maging bahagi ng mga leksyon sa mga iskul ang pagtatapon ng basura sa tamang kalagyan ng mga ito.

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 0921-4303333.