GOODBYE, KARDING AT MABILIS NA KILOS NG PANGULO

GOODBYE, KARDING AT MABILIS NA KILOS NG PANGULO

September 27, 2022 @ 12:40 PM 2 months ago


TAPOS na ang pananalasa ng bagyong Karding.

Unang bigyan natin ng pansin ang nasawing mga rescuer sa Bulacan, ayon sa ulat ni Governor Daniel Fernando.

Pinagpupugayan natin sila na tauhan ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nakatalaga sa San Miguel.

Agad ding tumulong para maisaayos ang kalagayan ng mga nalunod na rescuer si San Miguel Mayor Roderick Tiongson.

Saludo kami sa inyo, Gob. Fernando at Mayor Tiongson.

AGAD LUMIPAD PARA MAGSURI

Kung tutuusin, pagod pa si Pangulong Bongbong Marcos sa pagpunta nito sa Amerika upang isulong ang interes ng Pilipinas sa harap ng lahat bansa.

Dumalo si Pang. Marcos sa United Nations General Assembly at iginiit nito ang mga interes ng bansa gaya ng pagiging kaibigan nito sa lahat at wala ni sinomang kaaway.

Isinulong din nito ang Pilipinas bilang sagana ng maiaalok sa lahat ng mga gustong mamuhunan upang lalong sisigla ang pambansang ekonomiya na pakikinabangan ng lahat.

Kabilang sa mga ipinagmalaki nito ang galing, sipag at talino ng mga obrerong Pinoy na madaling makapasok sa trabaho lalo’t bihasa ang mga ito sa dayuhang salita, kabilang na ang Ingles.

Gayundin ang pagkakaroon ng mga dayuhan ng buo na karapatan na sumali at magpayabong ng mga negosyo na lubha naman talagang kailangan ng mga Pinoy, lalo’t bumabangon pa ang lahat mula sa sumpa ng pandemyang likha ng COVID-19.

Siyempre pa, nakipanuluyan at nakipanayam din siya sa mga Pinoy sa ‘Merika upang sila’y kumustahin at ipaalala na marami ang oportunidad sa Pilipinas na kanilang madadatnan o mababalikan.

Pero kahit pagod na pagod si Pang. Bongbong, lumipad siya sa mga lugar na sinalanta ni Karding upang damhin ang pinsalang inabot ng lahat.

Kasabay na rin nito ang pag-uutos ng mabilis na paghahatid ng ayuda sa mga biktima kahit pa gamitin ang mga eroplano. SUMABAY ANG LAHAT

Lahat naman ay sumabay sa butihing Pangulo para tiyakin ang kaligtasan ng mga dinaanan ng bagyo at maihatid sa kanila ang mga nararapat na ayuda.

Ito’y para walang makaranas ng gutom at iba pang paghihirap na likha ng mabangis na kalikasan.

Ang mga taga-National Irrigation Administration, halimbawa, ay hindi umuwi ng kanilang mga tahanan upang subaybayan ang pananalasa ng mga baha, landslide at iba pa.

Kabilang sa mga partikular na binantayan nila ang pagpapalabas ng mga dam ng tubig na kung hindi maayos ay lilikha ng malalaking baha na lubhang mapanganib sa buhay at ari-arian ng lahat.

Tiniyak nila na maayos ito upang hindi maulit ang naganap noon kay bagyong Ondoy na sabay-sabay na nagpakawala ng tubig ang mga Angat dam, La Mesa dam at Ipo dam na sumabay sa lakas ng ulan.

Sa naghalong tubig-dam at sobra-sobrang baha, binaha ang malaking bahagi ng Metro Manila na ikinamatay ng daan-daang mamamayan at ikinasira ng bilyon-bilyong halaga ng ari-arian.

Sana naman, sa darating na mga araw, kakaunti lang ang mababalitaang nasawi at mabilis na makabalik sa normal na buhay ang lahat.