Goodbye,  pekeng journalists at trolls!

Goodbye,  pekeng journalists at trolls!

December 1, 2022 @ 11:25 AM 2 months ago


NAKAHANAP ng kakampi ang mga mamamahayag kay Senator Raffy Tulfo, na isinusulong ang decriminalization ng libel at cyber libel. 

Sa isang pagdinig ng Senado kamakailan, binigyang-diin ni Tulfo na dahil obligado ang mga miyembro ng lehitimong mga media organizations na makatupad sa mataas na pamantayan ng propesyunalismo at moralidad, ang kanilang kalayaang mag-ulat ay hindi dapat nahahadlangan o pinagbabantaan ng parusang kriminal, tulad ng pagkakakulong. 

Ang punto niya ay hindi lamang balido kundi totoo. Pero pinagmumulan ito ng debate para sa ilang kasapi ng akademya na naniniwalang kung hindi itinuturing ng batas na krimen ang libel na kinasasangkutan ng isang mamamahayag, dapat ay ganito rin ang panuntunan sa sinomang Pilipino na nagkasala ng libel. 

Sinabi ng isang associate professor sa University of the Philippines na ang pagkakaiba sa pagitan ng mga lehitimong miyembro ng media at ng mga ordinaryong mamamayan na nagpapanggap na mamamahayag – tinatawag ni Tulfo na “pseudo-journalists” – ay isang uri ng diskriminasyon laban sa citizen journalism. 

*        *        *

Ang problema sa ilang vloggers, writers, at broadcasters na umaaktong “citizen journalists” ay ang kawalan nila ng background sa journalism at ang  pagiging ignorante nila sa tunay na layunin ng pamamahayag.  

Dahil dito, marami sa kanila ang nauuwi sa pagiging mga biased na tagapagpakalat ng ‘fake news’ sa iba’t ibang media platforms, at ang may pinakamararaming followers sa kanila ay paid trolls ang kinalalabasan. Sabi nga ni Sheila Siar ng Philippine Institute for Development Studies: “Pinagkakitaan na ng mga troll ang disinformation.” 

Nagturo ako ng journalism sa University of Santo Tomas sa loob ng mahigit isang dekada at ilang taong pinamunuan ang department nito. Ang aking mga naging estudyante, karamihan ay aktibong nagtatrabaho ngayon sa mainstream media, ang makapagpapatunay sa mga aral na natutuhan nila tungkol sa pagtupad sa code of ethics, mula sa pagsusulat ng balita, kolum, at editoryal, hanggang sa investigative reporting.

Nais kong ibahagi ang parte ng “The Elements of Journalism” nina Bill Kovach at Tom Rosenstiel.  Isinulat nila ang 10 puntong kinakailangang gawin upang makatupad sa tungkulin na mabigyan ang “publiko ng mga impormasyong kinakailangan nila para maging malaya at makapagpasya para sa sarili.” 

1.    Ang unang obligasyon ng pamamahayag ay sa katotohanan.

2.    Ang loyalty nito, una sa lahat, ay sa publiko.

3.    Ang diwa nito ay ang disiplina nang pagbeberipika.

4.    Dapat na mapanatili ng mga mamamahayag ang kanilang ‘independence’ mula sa kanilang ibinabalita. 

5.    Dapat itong magsilbi bilang tagasubaybay sa mga nasa kapangyarihan. 

6.    Dapat itong magbigay ng pagkakataon sa pamumuna ng publiko at makipagkompromiso.

7.    Dapat sikapin nitong maging interesante at makabuluhan ang mahahalagang impormasyon.

8.    Dapat nitong ilahad ang balita sa komprehensibo at patas na paraan. 

9.    Obligasyon ng mga mamamahayag na pairalin ang kanilang personal conscience.

10.   Mayroon ding mga karapatan at responsibilidad ang mamamayan pagdating sa balita — lalo na dahil sila mismo ang nagiging producers at editors ng mga ito.

Goodbye,  pekeng journalists at trolls!