GORDON NILALAGLAG NG KAKAMPINKS

GORDON NILALAGLAG NG KAKAMPINKS

March 28, 2022 @ 10:28 AM 3 months ago


TOTOO kaya? Bastos daw itong si Senator Richard “Dick” Gordon  kaya dismayado itong Kakampinks at gustong tanggalin sa senatorial line up ni Presidential candidate Leni Robredo?

Ipinakakalat  ng supporters ni Vice President Leni ang hashtag na #DropGordon kasi nga hindi raw nila masikmura ang umano’y kabastusan ni Gordon sa mga campaign sortie.

Kamakailan lamang,  sa Robredo-Pangilinan People’s Rally sa Nueva Ecija,  hindi nagustuhan ng  kakampinks ang inasal daw ni Gordon nang ipakilala niya ang senatorial slate.

Mayroong mga abogado, incumbent senators subalit nang ipakilala na si dating Rep. Teddy Baguilat ay ginaya niya ang katutubong sayaw para ilarawan si Baguilat sabay tawa bandang huli.

Sa ilang tweet ng netizens, hindi lang daw ginagaya ni Gordon si Baguilat kundi may kasamang pangungutya ang kanyang aksyon kaya nga sabi nila na dapat magkaroon ng cultural sensitivity si Gordon sa ganitong pagkakataon.

Ayon pa rin sa ilang netizen, sa sortie sa Surigao City, sa Mindanao, inagawan umano ng mikropono ni Gordon ang kinatawan ni Senador Leila de Lima na siyang unang dapat na magsasalita sa entablado.

Ang masaklap pa, sabi ng mga kontra sa mambabatas mula sa Olongapo ay ang sinabi nito sa  Zamboanga sortie  na “Ipasok ninyo si Dick! Sa balota ha? Hindi sa kung anong butas.”

Makikita naman sa  Facebook post ni Zena Bernardo, ina ni  Ana Patricia Non na nasa likod ng Maguinhawa Community Pantry,  na nanghihikayat ito na ibasura si Gordon sa senatorial line up ni Robredo dahil sa kabastusan ang pangkiliti nito sa mga botante.

Hindi raw dapat maging bastos si Gordon lalo na sa kanyang pananalita sa sortie sapagkat karamihan sa mga kakampinks ay kababaihan.