Gov. Garcia sa DA: Paglilibing sa mga baboy sa Cebu, itigil

Gov. Garcia sa DA: Paglilibing sa mga baboy sa Cebu, itigil

March 14, 2023 @ 9:24 AM 2 weeks ago


CEBU CITY- Sinita ni  Cebu Governor Gwen Garcia ang Department of Agriculture sa ginawa nilang pagpapalibing sa mga baboy sa lalawigan dahil sa mga maling umiiral na patakaran matapos magkaroon ng African Swine Fever (ASF) infection ang mga baboy sa Carcar City at iba pang lugar sa Metro Cebu.

Giit ni Garcia na susuwayin niya ang patakaran ng DA para protektahan ang mga apektadong Cebuano na humihingi na ng tulong kapag napatay ang mga malulusog nilang baboy.

Nanindigan din si Garcia sa ginanap na pagpupulong kasama ang DA at National Meat Inspection Agency nitong Lunes, na walang napakalaking pagkamatay ng mga baboy sa Cebu, dahil ang impeksyon sa Carcar ay maaaring “common swine fever o common swine cholera” na hindi nakamamatay sa mga baboy at dapat lamang na itigil agad ang culling.

Sinabi nito na gagawa ang lalawigan ng sariling mga pamamaraan sa pagtuklas ng tunay na pinagmulan ng ASF at para masugpo kahit pa pinangangasiwaan ito ng Department of Agriculture (DA) na may mga umiiral na patakaran.

“Gagawin na namin ngayon ang aming sariling patakaran tulad ng ginawa namin noong COVID-19 kung saan nalaman namin na ang ilan sa mga patakaran na ipinapataw sa kaawa-awang mamamayan sa lalawigan na kinabibilangan ng mga mahihirap na hindi makapagsalita,” ani Garcia.

Sa ngayon ay may kabuuang 141 na baboy ang nailiibing sa Carcar mula nang matuklasan noong nakaraang linggo ang ASF ayon sa direktiba ng DA.

Sinabi ni Garcia na ang mga pagsusuri na isinagawa sa lungsod ay ginawa sa loob ng katayan at hindi sa bukid na nagresulta ng positibo sa ASF. Aniya, walang paraan ngayon upang malaman kung ang hayop ay nagpakita ng mga sintomas dahil ang sintomas ng kolera ay magkahawig sa ASF.

Tiniyak rin ng gobernadora na sa susunod na 7-araw ay walang culling sa mga baboy sa lalawigan.

Ipinag-utos din niya sa Provincial Veterinary Office na maghanap ng iba pang paraan para masuri ang ASF at ang mga pagsusuri ay dapat gawin lamang sa mga baboy na nagpapakita ng sintomas sa mga sakahan at dapat may spleen test.

Habang ang pagdidisimpekta sa mga backyard hog farm ay dapat pa rin ipataw maging ang transportasyon ng mga baboy palabas ng Carcar ay patuloy na pinaghihigpitan.

“I will always stand for Cebu and I will always stand up for the Cebuanos. I am not accountable to people from Manila, I am accountable to the Cebuanos that voted me into this office,” ani Garcia.

“Ngayon alam ko na na ang mga taong binibigyan ng pasanin ay hindi ang mga mayamang baboy-ramo, kundi ang mga umaasang makapag-aral ng kanilang mga anak o magkaroon ng magandang buhay dahil sa kanilang pagsasaka sa likod-bahay at maging ang mga nabubuhay sa kanilang lechon,” pagtatapos pa ni Garcia. Mary Anne Sapico