Gov’t mananatili sa ‘targeted testing’ sa pagkontrol ng COVID

Gov’t mananatili sa ‘targeted testing’ sa pagkontrol ng COVID

January 11, 2022 @ 5:40 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Sa halip na mass testing, ang targeted testing o responsible testing ang gagamitin para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) habang sinisiguro na ang government resources ay hindi mauubos.

Isinantabi ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang panawagan para sa mass testing, at binigyang-diin nito ang pangangailangan para sa pamahalaan na maging “smart” pagdating sa paggastos sa COVID-19 response ng bansa.

“Responsible testing po yung ginagawa natin kasi  we have to be mindful na hindi unlimited po ang resources ng pamahalaan at ng Pilipinas. And we have to be smart in where we will put our resources,” aniya pa rin.

Sinabi pa ni Nograles na maliban sa testing, kailangan din na iprayoridad ng gobyerno ang “procurement and purchase” ng mga bakuna na makapagbibigay proteksyon laban sa COVID-19.

“Kailangan natin bumili ng bakuna at napakita naman natin mas cost-effective yung bakuna. Mas maraming mababakunahan natin, mas marami pa tayong maiiwasan na maging severe at critical cases ng COVID,” aniya pa rin.

Tiniyak din ng pamahalaan na may sapat na antiviral drugs na gagamitin para gamutin ang COVID-19 patients, functional bed capacities para sa mga nangangailangan ng hospital care, at mas maraming healthcare workers na titingin sa mga may sakit.

“Marami pong aspeto ang laban against COVID and we have to be very smart kung saan natin ilalagay ang pera ng taongbayan,” ani Nograles.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Nograles na ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay nagbibigay ng libreng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) testing sa mga miyembro na nagpakita ng sintomas ng COVID-19.

“Testing is part of the PhilHealth package and then we are also pushing PhilHealth again na kahit sa home isolation ay kasama dapat sa PhilHealth coverage yung test ng home isolate,” anito.

Muling nanawagan si Nograles sa PhilHealth na palawigin ang COVID-19 Home Isolation Benefit Packages (CHIBP) nito at isama ang libreng RT-PCR testing.

Sinuportahan naman ni Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo “Bong” Jumalon Vega, ang naging pahayag ni Nograles, sabay sabing ang mass testing ay maaari lamang na pagsasayang ng government resources.

“The policy naman sa Department of Health and RITM [Research Institute for Tropical Medicine] nito sa testing is targeted testing naman talaga o responsible testing kasi kung magma-mass testing tayo, andaming mga negatives niyan. Sayang naman ang resources nga natin kung wala naman kayong exposure tsaka walang symptoms siguradong negative ‘yan,” aniya pa rin.

Ang paliwanag ni Vega, ang tests ay mas “accurate” kapag ginamit sa loob ng ilang araw simula nang magsimula ang sintomas nang ang malaking bilang ng virus ay nasa presensiya ng katawan ng isang pasyente.

“Really it’s targeted testing pati na sa antigen test natin na pinapayagan ng DOH. Kailangan symptomatic kayo para mas accurate yung result mo kung positive ka, positive ka talaga at saka mataas ang specificity,”dagdag na pahayag nito. Kris Jose